PREMYO NI ESPINOSA, ABOT-KAMAY NA

Luisito Espinosa

UMAYON ang magandang kapalaran para sa dating world boxing champion na si Luisito “Lindol” Espinosa.

Sa halos ilang dekadang nagdaan,  makakamit na ng nagretiro noong 2005 na si Espinosa ang hustisya nang iutos ng Supreme Court sa mga kaanak ng dating boxing promoter nito na bayaran ang kabuuang $130,349 (tinatayang P6.6 million), dagdag pa ang interest bilang bahagi ng kanyang napanalunan sa pagwawagi sa laban kontra kay Argentine Carlos Rios noong 1997.

Ito’y matapos ibasura ng Supreme Court’s Third Division ang petisyon ng kaanak ni Rodolfo “Rod” Nazario na baligtarin ang 2017 ruling ng Court of Appeals na kilalanin ang monetary claim ni Espinosa.

Ayon sa korte, natuloy sa itinakdang iskedyul ang laban ni Espinosa ngunit hindi naipagkaloob ang kanyang kaukulang premyo sa mahabang panahon na dapat ay hindi binalewala ng promoter.

Noong nakaraang linggo ay bumisita si Espinosa sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) upang manawagan sa kinauukulan na tulungan siyang makuha ang premyong naipagkait sa kanya sa mahabang panahon.

“Susuportahan natin si Espinosa, lalo pa’t pinaghirapan niya ang laban at binigyan niya ng karangalan ang ating bansa, ” ang pagtiyak sa kanya ni Games and Amusement Board (GAB) Chair Baham Mitra.

Si Espinosa ay kasalukuyang nagtatrabaho ngayon bilang boxing instructor sa isang fitness gym sa China at nagbalik sa Pilipinas kamakailan upang humingi ng tulong sa GAB kaugnay sa matagal na niyang ipinaglalaban na premyo niya. Nakatakda siyang bumalik sa China sa Pebrero 1.  (DENNIS INIGO)

 

146

Related posts

Leave a Comment