Resulta ng DOTr – TWG test run isasalang sa Senado
TINIYAK ni Senadora Grace Poe na igigiit niya na magkaroon ng kompetisyon sa serbisyong motorsiklong taksi bilang alternatibong pampublikong sasakyan sa pagdinig sa Senate committee on public services ngayong araw.
“Gusto natin ng kumpetisyon. Dahil kapag may kumpetisyon, kahit papaano [ay] mapapagaling ang mga [kumpanya ng motorsiklong taksi na] nagbibigay ng serbisyo sa mga mananakay,” tugon ni Poe, tagapangulo ng Senate committee on public services.
Ang pahayag na ito ni Poe na, ay pabor sa pagharang sa monopolyo na siyang gustong mangyari ng mga mananakay upang mayroon silang pagpilian sa mga mga kumpanya ng sasakyang motorsiklong taksi.
Sa kasalukuyan, tatlong kumpanya ang pasok sa nasabing ‘alternatibong pampublikong transportasyon’ kumpara sa unang anim na buwang pilot test run na solong-solo ng Angkas.
Ito ay ang JoyRide, MoveIt at Angkas.
Ang pagdinig ay mayroong kinalaman sa panukalang batas hinggil sa operasyon ng motorsiklong taksi.
Bukod kay Poe, ang iba pang naghain ng panukalang batas na mag-aamyenda sa Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code upang maging pampublikong transportasyon na rin ang motorsiklo ay sina Senadora Imee Marcos, Senador Edgardo “Sonny” Angara Jr. at Senador Ralph Recto.
Umaasa rin ang senadora na makararating ang mga opisyal ng JoyRide, Move It at Angkas.
Bubusisiin din ng komite ni Poe ang napabalitang ang Angkas ay 99.96 porsiyentong pag-aari ng negosyanteng Singaporean na si “Angeline Xiwen Tham,” ayon sa dokumento ng SEC.
Si Tham ang pangulo ng kumpanyang DBDOYC na siyang ‘opisyal’ na corporate name ng Angkas na nakarehistor sa SEC.
‘BABALATAN’ SA SUPPLY CAP
Inaasahan namang ‘babalatan’ sa nasabing pagdinig ang mga opisyal ng Department of Transportations (DOTr) hinggil sa supply cap na itinakda ng government regulators sa Angkas at bagong pasok na JoyRide sa gaganaping deliberasyon ng Motorcycle for Hire Act of 2019.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na bukod sa opisyal ng DOTR, ipinatawag din ng komite ang hepe ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang magbigay linaw sa supply cap na ipinataw sa bagong industriya.
Ayon kay Poe, inaasahan niyang magkakaroon ng produktibong pagtalakay sa pagdinig ngayong Lunes sa session hall ng Senado.
Bukod sa naturang mga ahensiya, inaasahan din na dadalo ang mga motorcycle taxi operator, lider ng commuters groups at motorcycle suppliers sa pagdinig na nakapokus sa regulasyon ng motorcycle taxis bilang ligtas at alternatibong public utility vehicle.
“Tandaan natin na iisa ang ating mithiin–ang magkaroon ang ating mga kababayan ng alternatibong masasakyan na maginhawa at ligtas,” giit ni Poe.
Ilan sa resource person na nagkumpirmang dadalo sa pagdinig sina Asst. Sec. Mark Steven Pastor at Engr. Bert Suansing of DOTr; LTO chief Asec. Edgar Galvante; TWG chairperson Antonio Gardiola; George Royeca ng Angkas; Eric Torres ng Move It Philippines; Neil Sherwin Yu ng JoyRide; Brian Cu ng Grab, at iba pang operator bngmotorycle taxi at kinatawan ng commuters group.
“The results of the pilot run, the supply cap set by the government inter-agency regulator and the ownership of motorcycle taxi firms are among the topics to be tackled in the hearing,” ayon kay Poe.
Nakatakdang talakayin din ng lupon ang ilang espisipikong regulasyon hinggil sa kaligtasan tulad ng pangangailangan na ideklara ang timbang ng pasahero kapag nagpa-book.
“We are pleased with the commitment of government officials and all concerned stakeholders to sit down and discuss key matters. This will be a big leap towards regulating motorcycle taxis,” ayon kay Poe.
Awtor si Poe ng Senate Bill 128 o ang panukalang Motorcycles-for-Hire Act of 2019, isa sa apat na panukalang didinggin ng komite kabilang ang SBN 1025 ni Sen. Sonny Angara, SBN 409 ni Sen. Imee Marcos at SBN 50 ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto. (NELSON S. BADILLA, ESTONG REYES)
