HINIMOK ni Senador Koko Pimentel ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gamitin na ang kanilang prepositioned goods para maayudahan ang mamamayan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon bunsod ng COVID-19.
“We should wake DSWD up! Gamitin na nila yun prepositioned goods nila. In “theory” meron niyan. Now is the time to show na totoo ang theory,” saad ni Pimentel.
Sa panig anya ng Philippine National Police, dapat panatilihin nito ang pagpapatupad ng batas para sa kaayusan ng komunidad.
Iginiit din ni Pimentel na payagang buksan ang mga sari-sari store sa mga komunidad para maserbisyuhan ang malalapit na residente sa kanilang lugar.
“Since open ang markets and groceries pero walang transpo available for those far from these places, in effect naging sari-sari store din ang mga ito para sa mga malapit sa lugar.
Hence we should allow real sari-sari stores to open to serve their immediate communities just in case nandun na rin ang kailangan ng consumer,” diin ni Pimentel.
Gayunman, hindi pabor ang senador na payagan ang mga tricycle na pumasada dahil mawawalan anya ng saysay ang umiiral na quarantine.
“But I agree with tricycle prohibition because mababalewala ang quarantine if people can easily move around. The idea is to make moving around very difficult for all,” paliwanag ng senador. DANG SAMSON-GARCIA
