INARESTO ng pinagsanib na operatiba ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), Special Action Force’s 82nd Special Action Company (SAF-SAC) at Bulacan Police Intelligence Branch (BPIB) ang deputy chief of police ng Norzagaray Police Station nang mahuli ito sa aktong pinagmamaneho ang isang inmate kamakalawa ng hapon sa Norzagaray, Bulacan.
Kinilala ni PNP-IMEG director Police Colonel Ronald Lee ang inarestong opisyal na si Police Captain Wilfredo Dizon Jr., nakatalaga bilang deputy ng Norzagaray Police.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na bandang 3:25 ng hapon nang dakpin ang opisyal sa harapan ng kanilang istasyon habang kasama ang inmate na si Resty Cabacang, 49, may kasong serious physical injuries na kanyang pinagmamaneho ng sinasakyang Toyota Hi-Ace van.
Patuloy ang imbestigasyon ng IMEG kung ilang beses nang ipinagmaneho ni Cabacang ang opisyal simula noong makulong ito sa naturang himpilan.
Nahaharap ngayon si Dizon sa administrative case sa kasong grave misconduct.
Kamakailan lang ay inaresto rin ang isang opisyal sa Cebu na natuklasang sinisipingan ang babaeng inmate.
Si Police Maj. Ildefonso Viñalon Miranda Jr., 46, hepe ng Argao Municipal Police Station ay pinapapasok umano sa kanyang opisina ang babaeng inmate na kanyang matitipuhan. ELOISA SILVERIO
252 