PRESO NAMARIL 2 PATAY, 5 PA SUGATAN

DALAWA ang iniulat na nasawi at limang detainees pa ang sugatan nang mamaril ang isa sa mga preso sa Oriental Mindoro Provincial Jail na nasa Provincial Capitol, Brgy. Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat, bandang alas-2:00 ng umaga nang magkagulo sa Selda Uno ng naturang piitan nang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril.

Ang isa sa mga nasawi ay ang mismong gunman na si Edison Sulit Sampaga, 41.

Gamit ang caliber 9mm pistol ay binaril ni Sampaga ang isa ring preso na si Lowelyn Laguerta Mendoza, 36-anyos na ikinasawi nito.

Sugatan naman sina Jeffrey Bajo Delos Reyes, 37; Christian Encarnado Licuan, 45; Hector Culla Abes, 41; Mark Belleza Dela Cruz, 42 at Alberto Lubusan Ebueza, 21.

Sinasabing nagpatiwakal si Sampaga sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos ang kanyang pagwawala.

Hindi pa natutukoy kung saan galing ang armas ng nasabing preso.

Isang oras umano matapos ang insidente ay saka iniulat ni Ricky Sevilla Rom, Prison Guard I, at team leader ng mga jail guard sa Calapan City Police Station ang pangyayari.

Nakuha sa crime scene ang 10 fired cartridge cases, isang deformed bullet, limang bullet fragments, cellphone at isang black inside holster.

Isasailalim na sa ballistic examination ang ginamit na baril ni Sampaga. (JESSE KABEL)

198

Related posts

Leave a Comment