PRESYO NG BILIHIN POSIBLENG TUMAAS SA P100 DAILY WAGE HIKE

NAGBABALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa posibleng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo sa gitna ng posibleng ipatutupad na P100 legislative hike sa daily minimum wage.

Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, bagama’t siya ay sumasang-ayon na ang wage hike ay magtataas ng purchasing power ng mga manggagawa, nagbabala ang kalihim na maaaring magkaroon din ito ng epekto sa micro at small businesses.

Ayon kay Laguesma, kapag may pag-uusap tungkol sa pagtaas ng suweldo ay medyo nakararamdam ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.

Kaugnay nito, sinabi ni Laguesma na ang DOLE ay naghahanap ng posibleng interbensyon upang tulungan ang micro at small businesses sakaling tumaas ng P100 ang minimum wage.

Aniya, ang nasabing interbensyon ay magsisiguro rin na ang mga manggagawa ay mananatiling naka-empleyo sa kabila ng financial impact sa wage increase sa kanilang employers.

May mahigit 4 milyong minimum wage earners sa bansa, ayon kay Laguesma base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa kanyang panig, sinabi naman ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr., ang micro business ay walang kapasidad na sundin ang panukalang minimum wage increase.

Ipinunto ni Ortiz-Luis, kahit walang interbensyon ang Senado, nagtatrabaho na ang regional wage boards at nirereview ang minimum wages kada taon.

Noong Lunes, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtataas sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng P100.

Hindi kasama sa dagdag sahod ang mga establisyemento na wala pang 10 empleyado, mga establisimyento na gumagamit ng kapital na P3 milyon pababa at mga establisyemento na nakarehistro sa ilalim ng Republic Act 9178.

Nasa P610 ang kasalukuyang arawang minimum na sahod sa National Capital Region (NCR).

(JOCELYN DOMENDEN)

278

Related posts

Leave a Comment