PRESYO NG RT-PCR TEST MAAARI PANG IBABA

BUKAS ang Malakanyang sa posibilidad na mapababa pa ang presyo ng RT-PCR test.

Ito’y sa harap ng pangangailangang mas dapat mapaigting ngayon ang COVID-19 test sa gitna ng mas dumarami pang kaso ng virus.

Sinabi ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, ngayong may makabago nang mga teknolohiya para madetermina nang mas mabilis ang resulta ng swab test, maaari nang magkaroon ng re-assessment sa paniningil ng RT-PCR test.

Ang Department of Health aniya ang maaaring magkaroon ng inisyatibo para ito’y masaliksik at maibaba pa ang kasalukuyang presyo ng RT-PCR.

Nauna nang nagtakda ang gobyerno ng price cap sa COVID-19 testing matapos pumalo ng hanggang sa walo hanggang sampung libong piso nuon ang singil ng ibang laboratoryo.

Sa kasalukuyan, nasa tatlo hanggang apat na libong piso ang singil sa RT-PCR test na hindi pa rin abot kaya ng nakararami. (CHRISTIAN DALE)

295

Related posts

Leave a Comment