NAGBABA ng Executive Order ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Valenzuela para protektahan ang mamamayan nito laban sa mapagsamantalang negosyante.
Ang aksyon ng Valenzuela LGU ay kaugnay ng sunod-sunod na pagtaas at pagsasamantala sa presyo ng surgical masks at N95 face masks ng mga negosyante sa gitna ng pangamba sa 2019 novel coronavirus (nCoV).
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, kailangan sumunod ang mga negosyante sa Suggested Retail Price (SRP) sa pagbebenta ng mask alinsunod sa Department of Health (DOH) Memorandum No. 0005, Series of 2020, at batay sa itinakda noong Setyembre 31, 2019 ng SRP Bulletin ng Department of Trade and Industry (DTI), na ang pinakamataaas na presyo ng surgical masks ay PhP 8 bawat piraso, habang ang N95 masks ay PhP 105 kada piraso ang pinakamataas na presyo.
Ang hindi susunod sa memorandum at executive order 010, Series of 2020 ay masasampahan umano ng kaukulang kaso.
Ang surgical mask ay kilala rin bilang medical face mask na karaniwang ginagamit tuwing flu season dahil nakababawas ito sa posibilidad ng pagkalat ng mga airborne disease habang ang N95 face mask ay idinisensyo bilang pantakip sa ilong at bibig para masala ang maliliit na particles gaya ng alikabok sa hangin.
Ang pagsipa ng presyo ng mga nasabing mask ay kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal na sinundan ng pagkalat ng nCoV sa buong daigdig.
Kasabay nito, inatasan din ni Gatchalian ang City Health Office (CHO) at Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO) na inspeksyunin at masusing bantayan ang mga business establishment at iba pang pamilihan sa lungsod upang matiyak na naipatutupad ang price regulation sa mga mask.
“During the citywide monitoring we conducted on February 5, we confirmed that the average cost of surgical masks is still PhP 5 to 6, while the lowest cost of N95 masks is PhP 45. However, these masks are currently out of stock,” ani LEIPO Officer-in-Charge Ms. Josephine Osea. FRANCIS SORIANO
184
