TINIYAK ni Senador Bong Go na ibabalanse sa epekto sa ekonomiya at sa mga negosyante ang ilalabas na executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa price ceiling upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy at manok.
Sinabi ni Go na pinag-aaralan ng executive department ang kanilang ilalabas na kautusan upang hindi rin maagrabyado ang mga hog raisers sa price freeze.
Ito ay kasunod ng pahayag ng mgma hog raisers na posibleng ihinto nila ang pagkatay kung pipigilan ang pagtataas nila ng presyo dahil ngayon pa lamang sila nakababawi matapos ang epekto ng Avian Swine Flu (ASF).
“Pinag-aaralan ngayon ng executive, binabalanse naman nila lahat consumers, ordinaryong mamamayan at traders na apektado rin ang negosyo so sisiguaraduhin ng Pangulo sa kanyang desisyon na babalansehin nya ang lahat,” saad ni Go.
Isa rin anya sa pinag-aaralan ng Department of Agriculture ang pagtataas ng Minimum Access Volume (MAV) o ang limitasyon sa pag-aangkat ng karne ng baboy at manok upang matiyak na hindi magkakaubusan ng suplay.
Umaasa si Go na sa loob ng linggong ito ay mailalabas na ni Pangulong Duterte ang executive order para sa price ceiling. (DANG SAMSON-GARCIA)
