(NI ABBY MENDOZA)
KUMPIYANSA ang House leadership na magkakaroon ng quorum sa nalalabing session days ng House of Representatives upang maipasa ang mga mahahalagang panukala na naipasa na sa Ikalawang Pagbasa.
Ayon kay House Majority Leader Fredenil Castro, ang pagtutuunan ng House leadership ay maipasa na sa 3rd and final reading ang mga panukala na naipasa na sa Ikalawang pagbasa kabilang dito ang House Bill (HB) No. 8909 o ang “An Act Strengthening Drug Prevention And Control, Amending For The Purpose Republic Act No. 9165, As Amended, Otherwise Known As The “Comprehensive Dangerous Drugs Act Of 2002” at HB No. 9025 o ang “An Act Creating The Overseas Filipino Workers (OFW) Sovereign Fund”.
Sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Gloria Arroyo ay naipasa ang panukalang pagbuo ng Department of Disaster Resilience, Security of Tenure Act, Trabaho Bill o TRAIN 2, Mining Taxes, Alcohol Taxes, Tobacco Taxes, pagpapalit ng 1987 Constitution; HB No. 8858 na mag aamyenda sa The Juvenile Justice and Welfare Act Of 2005”; HB No. 8837 o ang batas na lilikha sa National Commission Of Senior Citizens, at ang HB No. 8961 o batas na magbabalik ng mqndatory ROTC sa Grade 11 at 12.
Ang nasabing panukala ay pawang nakabimbin pa sa Senado.
Kaugnay nito, muling umapela si Leyte first district Rep. Yedda Marie Romualdez sa Senado upang ipasa na ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR).
Paliwanag nito, sa nararanasang sunud-sunod na mga lindol, mahalaga ang pag-apruba ng panukala bago matapos ang sesyon ng Kongreso.
Ang nasabing panukala ay makatutulong upang mabawasan, kung hindi man, ay maalis ang mga delay sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.
Umaasa rin ang mga kongresista na sa natitirang session days ay maaprubahan ito sa Senado at agad na maisusumite sa Malacanang at maging ganap na batas.
