(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI isinusuko ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang kanyang panukala na i-ban ang mga pribadong sasakyan sa kahabaan ng Edsa sa rush hour upang hindi mahirapan ang mga ordinaryong commuters.
Sa pagdinig ng House committee on metro manila development nitong Lunes sa Kamara, naipilit ni Erice sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at inter-agency committee ng Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan ang kanyang panukala dahil lahat na ay ginawa aniya ng MMDA para mapaluwag ang Edsa subalit lahat ay pumalpak.
“Gusto ko lang mag-comment, yung mga volume-reduction niyo, yung mga number-coding, color-coding, lahat pumalpak na eh. Lahat pinag-aralan niyo siguro yan, lahat pumalpak,” ani Erice kay MMDA general manager Jojo Garcia.
“You failed. You failed. Walang nagbago eh. Naging grabe pa. Mayroon kayong programma na nagbago para sa maganda, yan OK yan, successful. Pero kung sumama pa, eh palpak yun. Hindi pwedeng magdahilan,” dagdag pa ni Erice.
Dahil dito, nagmosyon si Erice na obligahin ang MMDA at DOTr na pag-aralan ang kanyang panukala na iban mula alas-sais nghanggang alas-nuebe ng umaga at alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi ang mga pribadong sasakyan sa kahabaan ng Edsa.
Walang tumutol sa komite na pinamumunuan ni Manila Rep. Manuel Luis Lopez sa mosyon ni Erice kaya maoobliga ang MMDA na pag-aralan ang panukala ng kongresista.
Samantala, isinisi naman ni Garcia sa pagdami ng mga traffic-reduction scheme na ipinatupad ng mga nakaraang administrasyon ng MMDA dahil mas lalo umanong dumami ang mga sasakyan dahil dito.
“Actually nagpadami talaga ng sasakyan yung number-coding, color-coding,” ani Garcia dahil napilitan ang mga tao na bumili ng ibang sasakyan dahil hindi nila magamit sa buong linggo ang kanilang kotse.
“Sabi ko ilang beses, kung gusto lang namin magpa-pogi ni (MMDA) chair (Danilo Lim), bukas mag odd-even tayo, kalahati mawawala. Kaya lang three to five years from now, times 10 na yung mga sasakyan natin dahil pwede mong i-replace yan eh,” ani Garcia.
219