(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
TINIYAK ng Malakanyang na makabibili ng COVID-19 vaccines ang lahat ng pribadong kumpanya para sa kanilang mga empleyado.
Tugon na rin ito sa mga batikos at reklamo ng ilang sektor kabilang ang mga mambabatas na nagpahayag ng pag-aalala sa diumano’y plano ng Department of Health (DoH) at National Task Force Against COVID-19 na hadlangan ang mga pribadong kumpanya na ang negosyo ay sigarilyo, infant milk formula, softdrinks o soda at alak na makabili ng sariling bakuna.
Ani Sec. Roque, batay sa inamyendahang implementing rules and regulations (IRR) ng COVID-19 vaccination law o Republic Act 11525 ay puwedeng makabili ng bakuna ang mga pribadong kumpanya na ito.
“Isa pa pong paglilinaw, puwede na pong bumili ng bakuna ang lahat ng pribadong kumpanya, kasama ang cigarette companies,” ayon kay Sec. Roque.
“This is under the amended IRR of the COVID-19 Vaccination Law,” dagdag na pahayag nito.
Iyon nga lamang aniya ay kailangan pa rin itong idaan sa tripartite agreement o kasama pa rin sa negosasyon at kasunduan ang gobyerno.
“Hindi po puwedeng mawala ang tripartite agreement [kasama ang gobyerno],” aniya pa rin.
Wala pa kasing commercial use authorization para sa mga bakuna kontra COVID-19 dahil lahat ng ito ay mga bago pa at sumasailalim sa clinical trials.
Kaya naman for emergency use authorization pa lamang aniya ang ipinalalabas ng FDA para sa mga COVID-19 vaccine kaya kailangang kasama pa rin ang gobyerno sa negosasyon, dahil kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa mga taong mababakunahan, ang gobyerno ang magbibigay ng indemnification sa mga ito.
Paliwanag pa ng kalihim, ang kumalat na Administrative Order (AO) na ikinaalarma ng mga mambabatas ay draft pa lamang pero ngayon ay tinanggal na aniya ang ganung probisyon sa IRR.
MORTAL SIN
Kaugnay nito, tinawag ng isang mambabatas sa Kamara na “mortal sin” ang pagbabawal ng DOH na pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque III sa pribadong sektor na bumili ng COVID-19 vaccines para sa kanilang mga empleyado.
“It is a mortal sin to add injury to a nation struggling to contain the spread of the virus,” pahayag ni Iloilo Rep. Janette Garin kaugnay ng AO ng DOH na nagbabawal sa mga kumpanya ng sigarilyo, infant milk at iba pang industriya na ang mga produkto ay itinuturing na sin products.
Ayon sa mambabatas, hindi kayang sarilinin ng gobyerno ang problema kaya nagboboluntaryo na ang private sector subalit imbes na payagan ay hinaharang umano ang mga ito ng DOH.
Nagdududa rin si Garin na mayroong tinatawag na “anti-vaxxers” sa gobyerno na tila pinipigilan ang vaccination campaign ng gobyerno na tanging paraan para magkaroon ng immunity ang publiko sa COVID-19.
“(There is a possibility of the existence of) anti-vaxxers in the government’s vaccination campaign whose intention is to ruin and demonize vaccines in the guise of being anti-tobacco and anti-liquor,” ani Garin.
Nais ng mambabatas na malaman kung sino ang mga humaharang o sumisira sa anti-COVID-19 vaccination program dahil posibleng mapurnada ang programang ito ng gobyerno.
