18 PULIS-VICTORIA PERSONAL NA PARARANGALAN NI ALBAYALDE  

albayalde

(NI NICK ECHEVARRIA)

TATANGGAP ng parangal ang 18 miyembro ng Victoria Municipal Police Station (MPS) sa Northern Samar mula kay Philippine National Police (PNP) Chief P/General Oscar Albayalde ngayon sa Camp Crame.

Ito’y bilang pagkilala sa ipinakitang katapangan at kahandaan ng mga pulis laban sa 50 armadong New People’s Army na lumusob sa kanilang himpilan, Huwebes ng madaling araw.

Sinabi ni Albayalde na pinagre-report na niya sa Camp Crame ngayong Lunes ang 18 mga pulis para personal na tanggapin ang igagawad na medalya.

Binigyang-diin ni Albayalde na karapat-dapat aniyang parangalan ang 18 mga pulis kaakibat ang pangako na ang ilan sa kanila ay makatatanggap din ng meritorious promotion dahil sa pagiging halimbawa ng isang pulis na handang lumaban.

March 28 ng madaling araw nang salakayin ng 50 mga rebelde ang Victoria MPS subalit sa kabila ng pagiging dehado sa bilang nagawang maipagtanggol ng mga pulis ang kanilang istasyon na nagresulta sa pagkakapatay sa tatlong NPA at pagkaaresto sa isa pa, gayundin ang pagkabawi ng (1) M60 machine gun at (1) M14 rifle.

Medalya ng Kadakilaan ang tatanggapin nina;  Police Lt. Eladio Alo, hepe ng Victoria MPS; Pol. Chief Master Seargent’s Aimee Lutze Cadiente at Marlon Ordonia, Pol. Sr. Master Seargent Arturo Gordo Jr., Pol. Master Seargent Arnold Cabacang, Pol. Staff Seargent’s Ramil Ramosa; Raul Francisco Jr.; Brande Esquilon; Pol. Corporal’s Bryan Ed Penaflor; Jaykarl Laurio; Eddie Edwin Diaz; Tracy Silagan at Jake Salesa; Patrolmen Ronnel Goco; Marlon Estopagian; Errol Montopar; Geral Casyao at Jhonar Cris  Bernadas.

Sina Pol. Sr. Master Seargent Arturo Gordo at Pol. Master Seargent Arnold Cabacang ay pagkakalooban din ng Medalya ng Sugatang Magiting bukod sa Medalya ng Kadakilaan dahil sa kabila ng tinamong sugat ay patuloy na nakipaglaban hanggang sa maitaboy ang mga sumalakay na rebeldeng NPA.

342

Related posts

Leave a Comment