(NI JG TUMBADO)
DAGDAG na 300 puwersa mula sa PNP-Special Action Force (SAF) ang ipinakalat sa Negros Island upang tumulong sa pagresolba sa mga sunod sunod na kaso ng patayan sa isla.
Ayon kay Police General Oscar Albayalde, tutulong ang mga tauhan ng SAF sa lokal na pulisya sa anti criminality campaign at internal security operations doon.
Ito ay sa mga lalawigan ng Negros Oriental at Negros Occidental.
Sa record ng Negros Oriental Police, may 20 nang biktima ng pagpatay sa lalawigan kasama na ang apat na pulis na nilikida umano ng NPA sa bayan ng Ayungon.
Sinabi pa ng opisyal na sa ngayon ay puspusan pa ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad kung anong grupo ang nasa likod ng mga kaso ng pagpatay.
Giit ni Albayalde, hindi malayong isinasakripisyo ng NPA ang kanilang mga kasamahan at ituro ang gobyerno sa mga kaso ng pagpatay.
Sa kanilang pag-uusap ng Pangulo ay wala umano itong nababanggit na may planong magdeklara ng Martial Law sa Negros Island
Ang malinaw lang ay hindi nito itinago ang galit nang binisita ang burol ng apat na pulis na pinaslang ng rebeldeng grupo.
318