Binatilyo napatay sa Oplan Sita 1 PANG PULIS POSIBLENG MASIBAK

RIZAL – Iniimbestigahan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pagkamatay ng isang kinse-anyos na binatilyo matapos na mabaril ng isang pulis sa bayan ng Rodriguez sa lalawigang ito.

Ayon kay IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, inatasan niya ang Rizal Police na imbestigahan ang insidente ng pamamaril ni P/Cpl. Arnulfo Sabillo na ikinamatay ng binatilyong si John Francis Ompad.

Ani Triambulo, posibleng maharap sa kasong grave misconduct at ‘conduct unbecoming of police officer’ si Sabillo, at kasong administratibo na maaaring maging basehan para masibak siya sa serbisyo.

Bukod ito sa kasong homicide at attempted homicide na kinahaharap ng detenido nang pulis

Samantala, lumalabas naman sa record ng PNP na dati nang nasuspinde si Sabillo noong 2017 matapos maaresto dahil sa kasong alarm and scandal sa Pasig City.

Bukod dito ay nasuspinde ito noong Enero 2023 dahil napatunayang guilty sa hindi pagbabayad ng utang.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa umano ng “Oplan Sita,” ang pulis sa isang bahagi ng Barangay San Isidro, sa bayan Rodriguez kung saan madalas umano ang holdapan, ayon kay P/Capt. Mariesol Tactaquin, public information officer ng Rizal PNP.

Sakay umano ng motorsiklo ang kapatid ng biktima nang lagpasan nito ang pulis na nagtangkang pahintuin siya.

Bunsod nito, hinabol ng pulis ang 22-anyos na rider hanggang sa makarating sila sa bahay nito.

Sinasabing hinubad ng rider ang kanyang helmet at ipinukol sa pulis na bumunot naman ng baril at nagpaputok kaya tinamaan ang 15-anyos na kapatid ng rider na papalabas ng bahay dahil sa narinig na kaguluhan.

Namatay ang biktima habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan

“Aminado kapulisan na may mga lapses sa nasabing pagkilos ng pulis. Ang nakita natin, talagang may lapses. Unang-una po, not wearing proper uniform,” ani Tactaquin sa isang panayam.

“And also doon sa pagbato ng helmet, parang sobra-sobra naman ‘yung reply mo, response mo, and then ikaw, nag-draw ka ng firearm mo, pinutukan mo. Parang excessive force naman ang iyong ginamit,” sabi pa ng tagapagsalita.

Sinasabing may kasama ang pulis na isang sibilyan na kaibigan nito, nang habulin ang rider.

(JESSE KABEL RUIZ)

221

Related posts

Leave a Comment