DOMINGUEZ PINAKAKASTIGO KAY DIGONG

DUTERTE-DOMINGUEZ

‘Wag hayaang linlangin ang Filipino – Bulacan LGUs

(PFI REPORTORIAL TEAM)

Nananawagan kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang hanay ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Bulacan na agarang aksyunan ang pagkakabinbin ng itatayong inter­national airport sa kani­lang lugar, kasabay ng kahi­lingang kastiguhin si Department of Finance Sec. Carlos Dominguez III sa patuloy na pagharang umano nito sa proyekto.

Ito ay matapos magsunud-sunod ang pagkakabunyag sa media ng patuloy na pagsilip ni Dominguez sa P735-B New Manila Inter­national Airport project na inaasahang reresolba sa pagluwag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at magbibigay ng solusyon sa patuloy na pagsikip ng pangunahing paliparan sa bansa.

Ayon sa ulat ng isang pahayagan kamakailan, pina­yuhan umano ni Dominguez si Pangulong Duterte na ihinto ang proyekto dahil nagkamali ang Department of Transportation (DOTr) sa pag-apruba nito sa NMIA.

Pinagdududahan ng mga lokal na opisyal ng Bulacan ang tunay na motibo ni Dominguez matapos ma­bunyag na nagsumite ito ng memorandum at may kasamang ‘personal note’ umano sa Pangulo laban sa itatayong world-class airport.

Sinasabi rin umano sa memo ni Dominguez na nag­kamali ang DOTr sa proyekto at sakaling matuloy ay magiging isa lamang itong ‘white elephant.’

Matatandaan na nito lamang nakarang taon ay nagpahayag ng kaniyang ‘reservation’ si Dominguez sa proyekto at idinahilan ang New Clark City na may 55 kilometro ang layo sa pagtatayuan ng modernong paliparan.

Kamakailan ay inamin ni DOTr Secretary Arthur Tugade na nakapending sa Department of Justice (DOJ) ang concession agreement dahil may ilang isyu na nililinaw ang Finance Department, partikular na ang ‘wording at interpretation’ sa terms ng proyekto kahit na pinagkalooban na ng notice to proceed noong Setyembre 18 ang San Miguel Corporation (SMC).

Batay sa ulat, sinisilip umano ni Dominguez ang paglilinaw sa interpretasyon ng ‘material adverse govern­ment action (MAGA) at hangganan ng pananagutan ng gobyerno sa proyekto.

Ang MAGA clause ay tumutugon sa magiging kumpensasyon ng gobyerno sa concessionaire sa oras na magkaroon ng aberya o aksyon ang gobyerno na maaaring makaapekto sa proyekto.

Sa kongreso, nanawagan naman sa DOJ sina San Jose del Monte Rep Rida Robes at 2nd District Rep. Gavini ‘Apol’ Pancho na bilisan ang ginagawang review at sana ay hindi na magtagal pa ang delay sa proyekto.

“Nakakalungkot na nag­ka­karoon ng delay sa pagpapatayo ng bagong airport sa Bulacan. Isa ako sa nagbunyi noong nalaman ko na dito sa Bulacan gagawin ang bagong airport dahil hindi lang ito magbibigay  ng trabaho sa aming mga kababayan kundi magdudulot ito ng progresibong buhay sa aming lugar,” pahayag ni Robes.

“Umaasa ako na mare­resolba ang mga issue na nagdudulot ng delay sa lalong madaling panahon. Patuloy kaming aasa na ito’y matuloy hindi lamang para sa amin sa Bulacan kundi para sa pag-unlad ng buong bayan,” dagdag naman ni Rep. Pancho.

Inalmahan ng mga opis­yal ng Bulacan ang patuloy na pagkakabinbin ng NMIA sa pag-asang malaki ang maitutulong nito sa kani­lang turismo, trabaho at kabuhayan. Naniniwala sila sa benepisyo ng moder­nisasyong ipapasok sa kanilang bayan, gayundin, magbubukas umano ng bagong oportunidad sa kanilang mga residente ang proyekto, partikular na sa pagnenegosyo at value ng ari-arian.

Batay sa disenyo ng NMIA na itatayo sa 2,500 ektaryang lupain na sakop ng Bulakan, Bulacan,  ito ay tatlong doble ang kapasidad kumpara sa NAIA. Lalatagan ito ng apat na runway kung saan kayang lumipad at lumapag ang apat na eroplano nang magkakasabay, walong (8) taxiways, tatlong (3) passenger terminal na may kapasidad na mula 100 hanggang 200 milyon kada taon. Mayroon din itong kapasidad na makapagparada ng aabot sa 240 na eroplano bawat oras at ikakabit dito ang 8.4 kilo­metrong expressway na lalabas sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Marilao, Bulacan.

343

Related posts

Leave a Comment