EX-CONVICT PATAY SA LOVER BOY NI MISIS

CAMARINES Sur – Sabog ang bungo ng isang ex-convict matapos barilin sa ulo ng umano’y lover boy ng kanyang misis habang natutulog ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay, iniulat nitong Miyerkoles ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Ramon Belasa, 55-anyos, residente ng Zone 6, Brgy. Paolbo, Calabanga, Camarines Sur.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Ricardo Villanueva 56-anyos, nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Calabanga Police Station, gabi noong Martes, mahimbing na natutulog ang biktima kasama ang misis na si Marites sa kanilang bahay nang bigla silang pasukin ng suspek na armado ng baril.

Pagkaraan ay walang babalang pinagbabaril ng suspek ang biktima sa kaliwang pisngi na tumagos sa likod ng ulo na agad nitong ikinamatay.

Mabilis namang bumangon si Marites at nakita nito ang suspek na tumatakbo patakas kaya mabilis siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Napag-alaman, nagkaroon umano ng relasyon ang suspek at ang misis ng biktima nang makulong si Belasa.

Ngunit nang makalabas sa piitan ang biktima ay kinalasan ni Marites si Villanueva.

Posible umanong hindi matanggap ng suspek ang pakikipaghiwalay sa kanya ni Marites kaya pinatay ang biktima. (ANNIE PINEDA)

 

112

Related posts

Leave a Comment