(NI AMIHAN SABILLO)
MAAGA pa umano para irekomenda ang panibagong martial law extension sa Mindanao matapos ang mga pagsabog sa Indanan, Sulu, ayon sa Armed Forces.
Kasabay nito, naniniwala rin si PNP spokesperson Police B Gen Bernard Banac na nakatulong ang Batas Militar sa Mindanao para panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa lugar, kahit pa nakalulusot pa rin ang ilang mga pag-atake ng mga teroristang grupo.
Sinabi pa ni Banac, na posibleng mas maraming pag-atake at pambobomba ang naisakatuparan kung walang martial law.
Ipinunto pa ng opisyal na dahil sa martial law, bumaba ang crime incidents sa Mindanao at nakontrol ang pagkalat ng mga iligal na armas.
Magugunita na noong pagsabog ng nakalipas na Sabado, ay walo ang sugatan sa Sultan Kudarat at isang suicide bomber naman ang patay sa panibagong pag-atake sa Indanan, Sulu nitong Linggo ng Umaga.
SUICIDE BOMBING SA INDANAN SULU HINDI BASEHAN PARA PALAWIGIN ANG MARTIAL LAW
Para naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP) masyado pang maaga para gawing basehan ang nangyaring suicide bombing sa Indanan Sulu, para palawigin ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Sinabi ni AFP Spokesperson Brig Gen Edgard Arevalo na ang mahalaga umano sa ngayon ay mas naging mahigpit pa ang ipinatutupad na seguridad ng militar at pulisya sa Mindanao upang hindi malusutan ng mga terorista.
Sinabi pa ni Arevalo, na ang mga local government unit sa Mindanao ang makatutukoy kung dapat na bang alisin o palawigin ang martial law sa kanilang lugar. Anuman umano ang desisyon ng mga LGU at kanilang security assessment sa Mindanao ang kanilang pagbabatayan kung irerekomenda o hindi na ang martial law sa Pangulo.
Base sa intelligence monitoring ng AFP, may dalawa pang suicide bomber ang nagpaplanong magsagawa ng pagsabog na ngayon ay kanilang binabantayan.