(NI BERNARD TAGUINOD)
MATAPOS iturong mastermind umano sa pagpatay kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe at SPO1 Orlando Diaz dahil sa pulitika, inabandona na ng kanyang partidong Lakas-CMD si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
Sa kanyang sulat sa Commission on Election (Comelec), sinabi ni Lakas-CMD Executive Director Atty. Bautista ‘Butch’ Corpin Jr., na binabawi na ng partido ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ng partido kay Mayor Baldo.
“Please be informed that Lakas-CMD is revoking the CONA issued to Mr. Baldo. Hence, Mayor Baldo is no longer the official candidate of Lakas-CMD for the position of Mayor of Daraga,” ani Corpin sa kanyang sulat kay Comelec Law Department Director Maria Norina T. Casingal.
Si Baldo ang itinuturo ng mga sumukong suspek sa pagpatay kina Batocabe at Diaz noong Disyembre 22, 2018 sa Brgy. Burgos, Daraga Albay habang papaalis ang mga ito mula sa kanilang gift-giving event para sa mga senior citizens at people with disabilities (PWDs).
Pambato ng dating partidong pinamumunuan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo si Baldo sa mayorality race sa Daraga, Albay kung saan isa sa makakalaban sana nito si Batocabe.
Dahil sa pagkakadawit ni Baldo sa kaso ni Batocabe, agad umanong nagpatawag ng pulong ang Lakas-CMD kung saan napagdesisyunan na bawiin ang CONA ng pangunahing suspek sa pagpatay sa kongresista at police escort nito.
Ayon kay Corpin, hindi katanggap-tanggap na gumamit ng dahas ang kanilang mga miyembro para matiyak lang ang kanilang panalo dahil inaalisan nila ng karapatan ang kanilang mga constituent ng karapatang pumili ng mga mamumuno sa kanila.
202