NAGPASALAMAT si Congresswoman Jinky Bitrics Luistro kay Senator Lito Lapid sa dinalang food packs sa kanyang distrito. (Danny Bacolod)
NAMAHAGI si Senador Lito Lapid ng higit dalawang libong relief goods para sa mga biktima ng bagyong Kristine na puminsala sa malaking bahagi ng Luzon, partikular sa mga lalawigan ng Quezon, Cavite at Batangas nitong Lunes, Oct. 28.
Unang pinuntahan ni Sen. Lapid ang bayan ng Rosario, Cavite na may 500 biktima ng bagyo ang naabutan ng relief goods.
Sumunod naman ang bayan ng Tanza Uno sa Cavite na may 500 benepisyaryo rin ang tumanggap ng tulong.
Bandang hapon, tumuloy naman si Lapid sa bayan ng Calaca, San Luis at San Pascual sa Batangas para ipagpatuloy ang pamamahagi.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ang Senador ng pasasalamat sa Batangas na tumulong sa mga Kapampangan nang pumutok ang Mount Pinatubo noong 1991.
“Alam ko po ang nararamdaman nyo at pangangailangan ng mga kababayan nating biktima ng mga kalamidad. Kami rin po ay biktima ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong Governor pa ako.
Kayo po ang isa sa mga nagpahatid ng tulong sa amin, kaya bilang pagtanaw ng utang na loob, nagdala po ang aking tanggapan ng kaunting tulong para sa inyo. Kahit papaano ay makatulong nawa ito sa inyong pangangailangan.”
“Maraming-maraming salamat po sa naging pagtulong nyo sa Pampanga. Nagpauna na rin po ako ng ayudang isang million dito sa San Pascual,” ayon kay Lapid.
Lubos naman nagpasalamat si Batangas Congresswoman Jinky Bitrics Luistro sa dinalang food packs ni Lapid sa kanyang distrito.
Nagpaabot din ng pasasalamat sina Calaca, Batangas, Mayor Nas Ona at VM Jerry “Pipo” Katigbak sa tulong na ibinahagi ng Lingkod Lapid.
Nangako si Lapid na babalik sa Batangas kapag nakahanap ng kaunting pondo para maghatid ng ayuda sa Quezon, Cavite at Batangas. (DANNY BACOLOD)
58