NABABAHALA SA NCOV SEX WORKERS IWAS MUNA SA CHINESE

TAGUM City – Iniwasan muna ng sex workers ang pakikipagtalik sa mga Chinese na kustomer dahil sa takot na mahawa sa kinatatakutang sakit na 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

Sinabi ni alyas Jessa, 21, nagtratrabaho bilang GRO o kilala sa tawag na “Angel of the Night” sa mga bahay aliwan ng lungsod, ikinababahala niya na madapuan siya ng 2019 nCoV kaysa magkaroon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) o Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS), dahil marunong na silang umiwas sa HIV sa pamamagitan ng paggamit ng condom  habang nakikipagtalik sa kanilang kostumer.

Ayon kay alyas “Gina” natatakot din siya na makapitan ng nCoV kaya umiwas na rin sa mga Tsinoy na dati niyang mga kustomer matapos malaman na mula sa Wuhan, China ang naturang virus.

Inamin niya na pinag-aagawan nila noon ang mga Chinese na kustomer upang maka-table sa pinagtratrabahuang club ngunit ngayon ay kailangan nilang alamin muna kung Tsinoy ang kanilang pinagsisilbihan.

Dagdag naman ni alyas “Sheila”, kailangan niyang maniguro dahil may dalawa siyang binubuhay na anak at kung sakaling madapuan ng NcoV ay wala na umanong ibang mag-aalaga sa kanila.

Iginiit din ng commercial sex worker sa lugar na ayaw nilang magsuot ng face mask dahil hindi umano makikita ang kanilang mukha na naka-make-up, at kagandahan na siyang kapital upang maakit ang mga kostumer.

Samantala, sinabi naman ng 26-anyos na si “Eva” na handa siyang ilabas ng isang Chinese basta kilala niya at makita sa hitsura na walang sakit, hindi payat at matanda na.

Sa ngayon, ay wala pang nadapuan ng Coronavirus o kaya’y person under investigation sa sakit na ito sa Davao de Oro at Davao del Norte.

Ngunit ayon sa mga GRO sa lugar, kailangan nilang maniguro dahil katawan nila ang kanilang puhunan sa nasabing hanapbuhay. (DONDON DINOY)

 

172

Related posts

Leave a Comment