APAT na Chinese nationals ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation matapos ang dalawang araw na surveillance at nakasamsam ng may 19 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P124 milyon sa Pangasinan.
Ang operasyon ang itinuturing na pinakamalaki sa buong Ilocos Region, ayon kay Diosdado Araos, agent in charge ng NBI-Laoag District Office.
Kinilala ang apat na sina Lu Jun, Zuo Sheng Li, Li Yu at Ye Ling. Natuklasan pa na peke ang pasaporteng gamit ni Li Yu habang ililipat naman sa Bureau of Immigration si Ye Ling. Ipinarating na rin sa Chinese Embassy ang sinapit ng apat.
Sinabi ng NBI na may mga nakarating na report sa kanilang tanggapan hinggil sa kahina-hinalang operasyon sa lugar. Dalawang araw umanong tiniktikan ang lugar ng mga suspect hanggang maaresto ang mga ito.
Ayon pa kay Araos, mga transporter umano ang mga nadakip at nakagagawa rin ng transaksiyon hanggang Maynila at karatig lalawigan.
158