MULING humirit si Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan Sr. hinggil sa ipinatutupad na total lockdown sa 11 bayan sa nasabing lalawigan na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa pagkakataong ito, si DILG Secretary Eduardo Año naman ang kanyang kinuwestyon.
Sa text message na ipinadala ni Natanauan, tatlong katanungan ang ipinasasagot nito kay Año.
Unang tanong nito ay kung hanggang kailan ipatutupad ang total lockdown kasama na ang kanilang bayan ng Talisay.
Aniya, kung magtatagal ito, tuluyan nang mamamatay ang kanilang mga alagang hayop na naiwan sa kani-kanilang iniwang lugar. Magbibigay rin daw ito ng karagdagang problema at stress sa mga nahihirapang mamamayan.
Tinanong din nito kung sino ang pwedeng kasuhan kapag ang mga residente ay namatay dahil sa stress at problema sa kakaisip sa kanilang mga kabuhayan na tiyak na mawawala kapag nagpatuloy ang lockdown.
Ayon dito, ang mga alagang hayop lang umano ang pwedeng pagsimulang hanapbuhay ng mga nagsilikas na residente kapag humupa na ang pag-aalburoto ng bulkan.
Kinukwestyon din ng vice mayor kung sino ang dapat managot kapag ang mga investor ay tuluyang nagalisan at lumayo sa Talisay dahil sa sobrang takot.
Nauna nang nabanggit ni Natanauan na nagdadala ng malaking takot sa mga residente at mamumuhunan sa Talisay ang mga inilalabas na prediksyon at babala ng mga kinauukulan hinggil sa kalagayan ng Bulkang Taal.
Dahil dito, tiyak din aniya na bababa ang value ng mga lupa at ari-arian sa kanilang bayan.
Matatandaang unang kinastigo ng bise alkalde si Phivolcs director Renato Solidum na aniya ay hindi Diyos para matukoy kung kailan talaga puputok ang bulkan.
Dahil sa kanyang birada sa Phivolcs ay binantaan itong kakasuhan ng DILG. (NILOU DEL CARMEN)
193