(NI JG TUMBADO)
MATAPOS ang ilang linggong surveillance ay tuluyang nilansag ng pulisya ang dalawang umanoy mini-casino na ilegal na pinapatakbo sa Cebu kung saan karamihan sa mga parokyano nito ay mga prominente at kilalang pulitiko sa lugar.
Naaktuhan pang naglalaro ng malakasang pusta ng sugal na ‘poker games’ ang nasa 23 indibidwal na naka puwesto sa malalaking gambling table na kahalintulad sa mga kilalang malalaking casino.
Dalawang gambling den ang tinarget ng mga operatiba ng Cebu City Police Office sa pangunguna ni Police Chief Inspector Chuck Barandog, hepe ng City Force Mobile Company, sa kanilang Synchonized Management Police Operation (Sempo) nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Armado ng search warrant na nilagdaan ni Judge Amory Nueva ng Branch 13 ng Regional Trial Court (RTC), magkasabay na pinasok ng mga awtoridad ang wine shop na Ralphs Wines and Spirit na nasa Morales Street sa Barangay Kamputhaw at ang dalawang palapag na gusali na nasa Barangay Guadalupe.
Sinabi ni Barandog batay sa kanilang impormasyon na ilang mga kilalang pulitiko sa Cebu ang dumadayo pa sa naturang mga gambling den upang magsugal.
Tinaguriang ‘mini-casino’ ang dalawang nabanggit na gambling den dahil sa labis na laki ng perang involved rito.
Sa 23 indibidwal na inaresto ay walang kasamang pulitiko at pawang mga lokal na residente lamang ang naaktuhang nagsusugal.
Nakilala ang dalawa sa 23 inaresto na sina Precy Impas, ang umanoy tumatayong assistant manager ng gambling den sa naturang wine shop at Maricel Esmaya, cashier.
Kabilang sa mga nakumpiska sa pagsalakay ay ilang poker tables, poker cards, ilang mga gambling paraphernalia at ang ilang kahon ng gambling chips na may ibat ibang dominations.
Nabatid na walang kaukulang mga dokumento o permit ang dalawang gambling den mula sa Philippine Gaming and Amusement Corporation o Pagcor kung saan nahaharap naman ang mga may-ari ng establisyemento sa paglabag sa anti-gambling law.
151