QUIRINO – Patay ang isang ginang makaraang gilitan ng kinakasama ng kanyang anak matapos silang paghiwalayin at hindi ipakita ang mga apo sa suspek, iniulat nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Mercedes Cabatic, 54-anyos, residente ng Barangay San Antonio, Aglipay, Quirino.
Habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Rustom Dingli, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Pinaripad Sur, Aglipay, Quirino.
Batay sa report ng Aglipay Police Station, nangyari ang insidente sa bahay ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagtanim ng galit ang suspek sa ina ng kanyang kinakasama nang paghiwalayin sila at pagbawalan siyang makita ang kanilang mga anak na nasa poder ng biktima.
Napag-alaman, nang magkaroon ng pagkakataon ang suspek ay pumasok ito sa bahay ng biktima habang natutulog sa sala ang huli at ginilitan ang ginang saka pinagsasaksak.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo.
Agad namang nadakip ang suspek sa mabilis na pagresonde ng mga awtoridad.
Sa panig ng suspek, iginiit niyang gumanti lamang siya sa biktima dahil tutol sa kanya at masyado siyang minamaliit.
Nahaharap ang suspek sa kasong pagpatay. (ANNIE PINEDA)
344