VULCANIZING SHOP OWNER PATAY SA HOLDAPER 

LA UNION – Namatay ang isang may-ari ng vulcanizing shop matapos harangin ng dalawang holdaper at pinagbabaril,iniulat nitong umaga ng Sabado sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Benn McClaude Madayag, 35, residente ng Bauang, La Union.

Batay sa report ng San Fernando Police Station, dakong ala-1:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Gov. Joaquin Ortega Ave., Barangay Madayegdeg sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Lumabas sa imbestigasyon, kaaalis lamang ng biktima sa kanyang vulcanizing shop matapos iabot sa isang Ariel Flora, ang binili nito sa Online Shopping.

Hindi pa man nakalalayo ang biktima, bigla na lamang itong binaril ng isa sa mga suspek at tinangay ang bag na may lamang pera.

Ayon kay Flora, abot-tanaw pa niya si Madayag nang barilin ng mga suspek at nakita pa niyang muling pinagbabaril ang biktima para matiyak na hindi na ito mabubuhay pa.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Isinugod ang biktima sa Ilocos Training and Regional Medical Center ngunit hindi umabot nang buhay.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)

 

134

Related posts

Leave a Comment