Dismayado ang maraming motorista at biyahero noong nakaraang linggo dahil sa isang malalang “carmageddon” na nangyari pa-Norte sa EDSA. Inabot ng humigit-kumulang apat na oras ang biyahe mula Quezon City papuntang Lungsod ng Makati dahil sa masikip na trapiko.
Nakadagdag pa ang matinding pag-ulan na dala ng isang low pressure area at ang pagkalito ng mga biyahero ukol sa TRO na inilabas ng Korte Suprema patungkol sa implementasyon ng pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA.
Malinaw na nawawalan na ng pag-asa ang mga motorista sa Metro Manila at marahil ay nangangamba ang mga ito sa posibilidad na hindi na tuluyang masolusyonan ang problemang ito. Bilang isang taong may positibong pananaw sa buhay, pinipili kong maniwala na pasasaan ba’t makakahanap din ng solusyon sa isyung ito.
Nasasabi ko ito dahil nitong mga nakaraan ang sisi ng mga mamamayan ay nakatuon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kakulangan ng kongkreto at pangmatagalan na solusyon sa sitwasyon ng trapiko. Sa totoo lang, hindi kaya ng MMDA nang mag-isa na solusyonan ang napakalalang problema natin sa trapiko. Hindi dapat sa kanila ibunton ang sisi. Ipinapatupad lamang nila ang mga batas at regulasyon na pinasimulan ng mga nakaraang administrasyon.
Halimbawa, ang paglalagay ng terminal sa Bulacan, Valenzuela, at Sta. Rosa, Laguna para sa mga bus na bumabiyahe sa mga probinsya ay hindi nila kagagawan. Ngunit ang mga kritiko ng MMDA ay binubunton ang lahat ng sisi sa ahensya para sa isang bagay na hindi naman sila ang gumawa at nakaisip. Sila lamang ang naatasang magpatupad nito.
Ang kasalukuyang administrasyon ay dapat tingnan ang pangyayari mula sa mas malawak na perspektibo. Huwag nating ituon ang lahat ng sisi sa MMDA at sa halip ay ituon ang ating atensyon sa pinakapunong dahilan ng lahat ng ito: ang kakulangan sa maayos na imprastrakturang makagagaan sa trapiko gaya ng mga flyover, highway, at iba pa.
Sa aking palagay, panahon na upang ang Pilipinas ay magsimulang mamuhunan sa mga imprastraktura gaya ng mga tulay, flyover, mga bagong daan na magdudugtong sa iba’t ibang lugar, at kung kakayanin, mas modernong sistema ng rail gaya ng sa ibang bansa. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
158