PRODUKTIBONG DISKUSYON SA MGA USAPIN SA KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

ISA sa pinakamahalagang mga isyu ang presyo ng mga produkto at serbisyo dahil nakaaapekto ito sa budget ng mga pamilyang Pilipino. Tuwing mayroong balita hinggil sa pagtaas ng presyo – lalo na sa pangunahing mga bilihin kagaya ng bigas, o kaya sa pamasahe, talaga namang lahat ay naaapektuhan.

Isa pa sa madalas mapag-usapan ay ang gastos sa kuryente, kaya nga marami ang nakabantay sa paggalaw ng presyo nito. Bagama’t nababalitaan naman natin kung magkano ang nagiging paggalaw nito at nagkakaroon tayo ng ideya kung bakit, napakateknikal pa rin ng usaping ito kaya hindi maiiwasang nagkakaroon ng mga debate. At siyempre, nariyan na rin ang mga tao, sa halip na magpaliwanag o makilahok sa produktibong diskusyon, gumagawa pa ng ingay at nagpapakalat ng mga maling balita.

Mahalaga ang papel ng gobyerno, pribadong sektor, at mga kinatawan ng mga konsyumer para maipaliwanag at maipaunawa sa mga tao ang dahilan ng paggalaw ng singil sa kuryente – lalo na’t marami naman sa atin, walang oras o ayaw nang makinig sa mga ganitong usapan. Mas madali kasing magreklamo na lang.

Ngunit kung isa tayo sa mga mahilig kumwestyon o magreklamo, importante rin na buksan natin ang ating isip para talagang maunawaan ang mga paliwanag at dahilan kung bakit nga ba tumataas ang bayarin sa kuryente. Importante ring makiisa sa usapin lalo na’t malaking bahagi ng buwanang budget natin ay napupunta rito.

Pero nakalulungkot ding isipin na ‘pag ganitong usapan, may mga personalidad na sumasama sa diskusyon para lang magpasikat kaysa pagbibigay ng tamang impormasyon. Para silang nangangampanya—hindi mahalaga kung tama o mali ang sinasabi nila, basta mapakinggan sila ng publiko. Kailangan nating maging mapanuri sa ganito, dahil ang totoong may pakialam – hindi lang basta gumagawa ng ingay. Nakikinig din sa paliwanag, nagiging mapanuri, at nagbibigay ng rekomendasyon o solusyon na base sa mga totoong impormasyon.

Sa Pilipinas, binabantayan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang singil sa kuryente. Obligasyon ng naturang regulator na siguruhin ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng konsyumer at patas na balik sa pamumuhunan ng pribadong sektor na importante rin, dahil kung wala sila, baka wala rin tayong kuryente.

Bahagi ng regulasyon ng ERC ang pagpapatupad ng mga pagdinig tuwing magkakaroon ng aplikasyon o petisyon sa pagtaas o pagbaba ng singil na hindi pa naaaprubahan. Nagbibigay ito ng pagkakataon sa publiko at sa mga kinatawan ng konsyumer, at pati na rin sa pribadong sektor, na magkaroon ng maayos na talakayan kung paano maipatutupad o matutugunan ang mga suliraning may kinalaman sa bayarin sa kuryente.

Maraming kritiko ang dumadalo sa ganitong diskusyon pero hindi pa rin ganap na maunawaan ang mga isyu – dahil na rin sa napakateknikal ng mga ito. Kaya dapat talaga tuluy-tuloy ang maayos na usapan at importanteng mayroong bukas na pag-iisip ang mga lumalahok dito para siyempre masigurong patas at tama ang binabayaran nating mga konsyumer.

Pero nariyan din ang mga kritikong walang ibang ginagawa kundi batikusin ang sistema, na wala namang bagong solusyon. Kaya minsan, nauuwi na lang sa ingay at wala nang pinatutunguhan ang mga usapan. Hindi lang ‘yan sa isyu ng kuryente nangyayari kundi sa maraming isyu pa sa ating lipunan. May mga taong mas pinipili nilang magpalaganap ng takot at galit, kaysa magbigay ng tamang impormasyon at makatulong sa maraming hindi nakauunawa.

Para sa ating mga ordinaryong konsyumer, napakahalagang maging mapanuri. Hindi porke’t maingay ang isang tao, tama na agad ang kanyang sinasabi. Kailangang alamin natin ang motibo ng mga nagpapakalat ng impormasyon. Totoo ba silang nagmamalasakit, o ginagamit lang nila ang isyu para mapansin at sumikat?

Kung may mga tanong o alalahanin, mas makabubuting idulog ito sa eksperto o ahensya para mas maliwanagan talaga. Kasing importante ng pagtatanong ang pakikinig.

32

Related posts

Leave a Comment