INILUNSAD na ang flagship housing program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Quezon City matapos ang paglagda sa kasunduan.
Ginanap noong Huwebes ang groundbreaking ceremony at signing of memorandum sa pagitan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Quezon City government.
Base na rin ito sa direktiba ni Pangulong Marcos sa DHSUD na lutasin ang backlog ng pabahay sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas, disente at napapanatiling tirahan sa 6.5 milyong pamilya sa loob ng anim na taon.
Nilagdaan nina DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar at Quezon City Mayor Ma. Josefina Belmonte ang memorandum of understanding (MOU) para sa proyektong pabahay na itatayo sa Harmony Hills Terraces sa Barangay Batasan Hills. Ang paglagda na sinundan ng groundbreaking ceremony, ay sinaksihan ng mga opisyal ng pangunahing shelter agencies (KSAs) ng DHSUD at mga kinatawan mula sa LGU.
“Mahalaga po ang kooperasyon ng bawat isa para makamtan natin ang ginhawa na pinapangako ng proyektong ito. Umaasa po kami sa DHSUD na magiging kasangga namin kayo simula ngayon hanggang sa kahuli-hulihang bubong na ating ipagkakaloob para masiguro na may bahay ang bawat pamilyang Pilipino,” tinutukoy ni Secretary Acuzar ang Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino: Zero ISF Program for 2028 ng administrasyon.
Ang nasabing programa, na brainchild ni Pangulong Marcos Jr., ay naglalayong makapagtayo ng isang milyong housing units kada taon.
“I am deeply honored and humbled to be the President’s emissary in sending this good news to our kababayan here in Quezon City, and in the country as a whole – unti-unti na pong matutupad ang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino na nagnanais magkaroon ng sariling bahay, sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program,” saad ng kalihim.
Sa bahagi nito, ang Quezon City LGU, bilang suporta sa nasabing programa, ay nakatuon sa paglalaan at pag-secure sa mga parsela ng lupa ng DHSUD para sa pagpapaunlad ng iba’t ibang proyekto sa pabahay.
“Pinatatag ng MOA signing ang dati nating kasunduan na makipagtulungan sa pagtatayo ng mga bahay para sa mga residente ng lungsod, lalo na ang mga ISF (informal settler families),” sabi ni Mayor Belmonte, at idinagdag na sa pamamagitan ng kasunduang ito ay “umaasa silang makapagtayo ng maraming proyektong pabahay na pakikinabangan ng mga residente ng Quezon City, lalo na sa mga hindi kayang bumili ng bahay na matatawag nilang sarili.”
Ang MOU ay nag-uutos sa DHSUD na pangasiwaan, direkta man o sa pamamagitan ng mga KSA nito, ang pagpapatupad ng mga proyekto sa pabahay sa pakikipagtulungan ng LGU at iba pang kaugnay na ahensya. Samantala, inatasan ang Quezon City LGU na pabilisin ang pagproseso ng mga kinakailangang permit at lisensya na ibibigay ng mga lokal na awtoridad para sa buong pagpapatupad ng proyekto. (PAOLO SANTOS)
