Protesta ng iba’t ibang grupo tuloy KAMARA MALAMIG SA ‘DAYAAN’ SA 2022 POLLS

WALANG senyales na magsasagawa ng imbestigasyon ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa alegasyon ng dayaan noong nakaraang presidential election na pinanalunan nina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

“Fifty-fifty,” tugon ni House deputy minority leader France Castro nang tanungin ng SAKSI Ngayon kung may pag-asang aksyunan ang kanilang resolusyon na imbestigahan ang umano’y dayaan.

Noong Agosto 31, inihain ng Makabayan bloc na kinabibilangan ni Castro, ang House Resolution (HR) 1239 na binasa sa plenaryo ng Kamara noong Setyembre 4, 2023 at ipinasa sa House committee on suffrage and electoral reform na pinamumunuan ni Mountain Province Rep. Maximo Dalog Jr.

Ginawa ng nasabing grupo ang resolusyon kasunod ng alegasyon ng grupo ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio na kuwestiyonable ang resulta ng eleksyon noong 2022.

“Mr. Rio’s team of computer forensic examiners discovered that a significant percentage of precinct results in Metro Manila and two provinces were received from a single private lP address, namely 192.168.0.2;” bahagi ng resolusyon kung saan 20 million boto umano ang napunta lahat kay Marcos.

Isa sa pangunahing layon ng ipinatawag na imbestigasyon ng Makabayan bloc ay kung bakit sa isang IP address lamang nagmula ang 98.8 percent ng resulta ng botohan sa Metro Manila, 95.5 percent sa Cavite at 81 percent sa Batangas na natanggap ng Commission on Elections (Comelec) sa oras na nagbibilangan pa lamang ng boto.

Ang pinal na desisyon kung magsasagawa ng imbestigasyon ang isang komite lalo na sa mga maseselang isyu ay ang Speaker of the House na nagkataong pinsan ni Marcos na si Leyte Rep. Martin Romualdez.

Sinabi ni Castro na mahalagang busisiin ang resulta ng eleksyon noong 2022 dahil integridad ng halalan ang nakasalalay dito at karapatan aniya ng mamamayan na malaman kung ano ang tunay na nangyari sa kanilang boto.

Samantala, walang pagbabago sa planong kilos protesta ngayong araw sa tapat ng Comelec main office sa Maynila ng mga sumusuporta sa grupo ng mga IT expert na Truth and Transparency Trio (TNTrio).

Kabilang umano sa lalahok sa protesta ang mga grupong : Concerned Retired Military & Police Officers, Concerned UP Vanguards, katuwang ang Clergy for the Moral Choice, Solidarity for Truth and Justice, Cordillera Indigenous Peoples at iba pa.

(BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment