INAPRUBAHAN ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang bigyan ng provisional authority (PA) ang ABS-CBN para makabalik ang mga ito sa ere habang dinidinig ang kanilang prangkisa.
Una rito, sa mosyon ni House Majority leader Martin Romualdez, nag-convene ang Kamara bilang Committee of the Whole para talakayin ang panukala na bigyan ng PA ang ABS-CBN hanggang Oktubre 2020.
Matapos nito ay isinalang sa plenaryo ang House Bill 6732 na inakda nina House Speaker Alan Peter Cayetano, Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, Batangas Rep. Raneo Abu, Antipolo Rep. Roberto Puno, Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Laguna Rep. Dan Fernandez at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte.
Sa ikalawang pagbasa ay inaprubahan ng Kongreso na bigyan ng otoridad ang ABS-CBN na mag-operate hanggang Oktubre 2020.
Sinabi ni Cayetano na sapat na ang panahong ito para matalakay ng Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa renewal ng kanilang prangkisa na napaso noong Mayo 4, 2020.
Iginiit nito na kailangang dinggin muna ang mga reklamo laban sa ABS-CBN bago pagpasyahan kung palalawigin ang prangkisa ng nasabing network o hindi kaya kailangan ng sapat na panahon para dito. BERNARD TAGUINOD
