PROVISIONAL FRANCHISE NG ABS-CBN ‘DI HAHARANGIN NI PDUTERTE

HINDI haharangin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang mabigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN para maipagpatuloy nila ang kanilang Free TV at Radio Broadcast.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ginagalang ng Malakanyang ang desisyon ng Kamara na ipasa sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6732, na nagbibigay ng prangkisa sa network hanggang October 31, 2020.

Aniya pa, walang nakikitang dahilan si Pangulong Duterte na i-veto ang panukala kung naaayon naman ito sa konstitusyon.

Muli ring iginiit ng Palasyo na nananatiling neutral ang Pangulo sa isyu ng prangkisa.

Mabilis na inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng binuong Committee of the Whole ng Kamara ang House Bill 6732 na nagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN network na naglalayong  makabalik ito sa ere matapos mapaso ang prangkisa noong May 4, 2020.

Sa ilalim ng panukala na inihain nila House Speaker Alan Peter Cayetano, Congressmen Neptali Gonzales II, Raneo Abu, Roberto Puno, Jose Antonio Sy-Alvarado, Dan Fernandez at Luis Raymund Villafuerte ay binibigyan ang ABS-CBN Broadcasting Corporation ng provisional franchise na makapag-construct, install, operate at maintain ng kanilang mga radio at television stations sa buong bansa.

Ang bisa ng provisional franchise para makabalik sa ere ang network ay tatagal lamang nang hanggang October 31, 2020 habang patuloy na dinidinig ng Kamara ang 11 franchise renewal bills ng network.

Kinakailangan din na mag-secure ang kumpanya sa National Telecommunications Commission (NTC) ng mga kinakailangang permits at licenses para sa pagbabalik operasyon ng lahat ng stations at facilities ng giant network.

Hindi naman dapat ibinbin ng NTC ang pagbibigay ng mga kinakailangang dokumento ng ABS-CBN para makapag-operate muli.

Tulad ng ibang panukalang batas, dadaan din ito sa pagdinig ng Senado at sa Bicameral Conference Committee bago ganap na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kumbinsido naman si House Speaker Alan Peter Cayetano na maaaring bumalik sa himpapawid ang ABS-CBN sa unang linggo ng Hunyo.

Ito ay sa gitna ng paggulong sa Kamara ng House Bill 6732 na magbibigay ng provisional franchise para makapag-operate ang network hanggang Oktubre.

Ayon kay Cayetano, umaasa sila na maaaprubahan na nila ang panukala sa pinal na pagbasa para maipasa na agad nila ito sa Senado.

Tiwala rin si Cayetano na magiging patas si Pangulong Rodrigo Duterte at aaprubahan ang provisional franchise.

Naniniwala siya na paiiralin ng Pangulo ang due process sa pagdedesisyon kung pipirmahan bilang batas ang provisional authority.

Inupakan din ni Cayetano ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa pagiging ‘taksil’ nito at si Solicitor General Jose Calida dahil sa pangingialam sa isyu ng franchise renewal.

Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng ABS-CBN sa pagkakaapruba sa Kamara ng House Bill 6732 na nagbibigay sa media network ng anim na buwang provisional franchise para makapagpatuloy ng operasyon.

Kasabay nito, tiniyak ng ABS-CBN na handa silang tumugon sa proseso ng kanilang franchise renewal upang masagot ang mga isyung ibinabato laban sa network, sa mga nagmamay-ari nito, sa management at tungkol sa mga empleyado nito.

Kabilang sa mga napaulat na isyu ay ang umano’y paglabag ng ABS-CBN sa labor laws at konstitusyon, umano’y pagiging election bias, problema sa pagbabayad ng tax, at foreign ownership.

Sa huli, nagpasalamat rin ang ABS-CBN sa lahat ng grupo at indibidwal na nagpakita ng suporta at pagmamahal sa network. CHRISTIAN DALE

 

288

Related posts

Leave a Comment