PROYEKTO PARA SA BULACAN, ‘WAG HARANGIN NI SEC. DOMINGUEZ

PUNA

LINAWIN po natin kung bakit lumalakas ang panawagan ng mga taga Bulacan kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na ‘wag harangin ang international airport na itatayo sa lugar nila.

Ang kalihim daw kasi ang dahilan kung bakit hindi matuluy-tuloy ang itatayong New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan, Bulacan.

Ang groundbreaking ng 15 bilyong dolyares na NMIA project ay dapat isinagawa na nitong pagpasok ng buwan ng Disyembre subalit hindi ito natuloy.

Noong nakaraang linggo sinabi ni Department of Transportation Sec. Art Tugade na nakabinbin pa sa Department of Justice ang concession agreement dahil may ilang isyu na kailangang linawin ang DOF.

Dahil sa isyu na ‘yan nagduda ang mga taga-Bulacan kay Sec. Caloy.

“Hindi namin maintindihan kung anu-anong inilulutang na isyu ni Dominguez na magdudulot ng delay sa pagtatayo ng airport sa aming lalawigan”, ayon sa isang residente ng Bulakan, Bulacan.

Umaasa ang mga taga-Bulacan na ‘pag natuloy ang proyekto ng airport sa kanilang lalawigan ay mag-lilikha ito ng maraming trabaho.

Aangat din ang kanilang probinsiya dahil dadagsain sila ng mga turista.

Dadami rin ang mga negosyo sa kanila lugar dahil libu-libong tao ang dadating at lalabas sa kanilang lalawigan.

“Ano po ba ang gusto niya, sir?”, tanong pa ng residente.

“Hindi naman po niya pera ‘yan, galing naman po sa San Miguel Corporation (SMC) ‘yan at babayaran din naman ng mga tao ‘yan”.

Ang proyekto ay nakuha ng SMC sa pangunguna ni Ramon Ang at nakakuha na sila ng ‘notice to proceed’ noong Setyembre 18.

Noong nakarang taon, nagpahayag ng kanyang ‘reservation’ si Dominguez sa proyekto at ang idinahilan nito ay ang New Clark City na may 55 kilometro ang layo sa pagtatayuan ng modernong paliparan.

Hindi po natin masisi kung bakit nagagalit kay mamang Caloy ang mga taga-Bulacan kasi kaunlaran nilang lahat ang nakasalalay sa proyekto.

Inamin ni Ang na delayed na ang kanilang groundbreaking ceremony at huli na sila sa schedule sa konstruksyon ng NMIA.

Ang proyekto ay inaward sa SMC at sila ang mamuhunan nito.

Ang itatayong NMIA ay pang world-class na may tatlong ulit ang kapasidad kumpara sa NAIA.

Ikakabit din dito ang 8.4 kilometrong expressway na lalabas sa North Luzon Expressway sa bahagi ng Marilao, Bulacan.

Mag-aakyat ito ng milyun-milyong pisong income sa lalawigan ng Bulacan.

oOo

Para sa suhestiyon at rekasyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com / operarioj45@gmail.com (Puna /  JOEL O. AMONGO)

172

Related posts

Leave a Comment