PSG HINIGPITAN NA ANG PAGTANGGAP NG BISITA NI PDU30

DADAAN na sa butas ng karayom sa higpit ng sistemang ipatutupad ngayon ng Presidential Security Group (PSG) sa pagtanggap ng mga bisita ni Pangulong Rodrigo

Roa Duterte makaraang magpositibo sa coronavirus disease 2019 si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na nasa Malacañang nitong nakalipas na Sabado.

Sinabi ni PSG Commander Col. Jesus Durante na maliban sa pagtanggap ng bisita ay limitado na rin ang mga pulong ng Chief Executive.

Ang huling pulong aniya ng Chief Executive ay ginanap sa Malago clubhouse sa PSG compound at walang personal contact sa mga opisyal na kasama sa meeting.

“Sa ngayon we are actually restricting any visitors from him or even the meetings, very limited. Last meeting with the IATF, we just conducted video  teleconferencing meeting then phone calls if necessary. But direct meetings nawala na yon,” ayon kay Durante.

Binigyang diin nito na mahigpit na sasalain ng kanyang mga tauhan ang lahat ng pumapasok sa Malacañang complex at muling pinaalalahanan ang lahat ng bisita na makipagtulungan at maging tapat sa mga impormasyong dapat malaman ng PSG.

Aniya, hindi lamang para sa Pangulo ang ginagawang paghihigpit ng PSG kundi para sa lahat dahil ang nilalabanan dito ay ang peligrong hatid ng COVID-19.

Sa kabilang dako, isinailalim na sa quarantine ang anim na miyembro ng PSG na unang nakaharap ni Congressman Yap sa pagpasok sa gate ng Malacañang at sumasailalim na ang mga ito sa araw-araw na check-up.

Sa pagtaya ni Durante, mayroong tinatayang 20 personnel ng Office of the President na ngayon ay tine-trace na rin, pati ang ilang waiters na nag-serve sa pulong sa Malakanyang noong Sabado na nakasalamuha ni Congressman Yap. CHRISTIAN  DALE

199

Related posts

Leave a Comment