PUBLIKO BINALAAN SA E-MAIL SCAM

NAGBABALA ang Philippine Postal Corporation (PhilPost) sa publiko hinggil sa kumakalat na e-mail scam na gumagamit ng pangalan ng kanilang tanggapan upang makapanloko ng ibang tao.

Ayon sa PhilPost, modus ng mga tiwaling indibidwal na impormahan ang bibiktimahin, sa pamamagitan ng e-mail, text o social media messages, na may nagpadala sa kanila ng parcel o sulat na dapat kunin sa post office ngunit kalaunan ay sasabihin na mayroon itong kaukulang bayad.

“Pinapaalalahanan ng Philippine Postal Corporation ang publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga e-mail, text o social media messages na nagsasabing sila ay mayroong parsela o sulat na dapat kunin sa post office na may kaukulang bayad,” paabiso ng PhilPost.

“Napag-alaman ng nasabing tanggapan na may mga impostor na ginagamit ang pangalan nito para makapanloko sa sinumang mabibiktima ng modus na ito,” ayon pa sa PhilPost.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng PhilPost ang publiko na alamin muna kung may tracking o parcel number ito at saka beripikahin sa PhilPost Customer Service sa Tel. No. 8527-0111 at 827-0107 upang makasiguro.

Maaari rin anilang magpadala ng mensahe kalakip ang nakuhang mga detalye sa kanilang Facebook page. (RENE CRISOSTOMO)

 

216

Related posts

Leave a Comment