PUBLIKO HINIKAYAT NI PBBM PANGALAGAAN YAMANG-TUBIG

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na pahalagahan at responsableng gamitin ang likas na yaman ng bansa, lalo na ang tubig, kasabay ng paglulunsad ng isang malaking proyekto sa Bulacan.

“Ladies and gentlemen, let this milestone encourage us to value the resources that we are blessed with, use them responsibly, and take part in building a more inclusive, sustainable future for everyone,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati nitong Biyernes, Nob. 28.

Ipinahayag ito ni Marcos habang pinangungunahan ang inagurasyon ng Tunnel No. 5 ng Angat Water Transmission Improvement Project sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Compound, Sitio Spar, Bigte Basin, Barangay Bigte, Norzagaray, Bulacan.

Ayon sa Pangulo, magbibigay ang bagong tunnel ng mas matatag at maaasahang suplay ng tubig para sa mas maraming pamilya. Magiging daan din ito upang maisagawa ang kinakailangang pagkukumpuni sa mga lumang tunnel, na ngayon ay maaari nang ma-rehabilitate dahil sa bagong backup route para sa umaagos na tubig.

“‘Yung mga tunnel na isinara dahil kailangan nang mag-maintenance, maaari na natin ngayong balikan—baka may pag-asa pa, baka may rehab pa para magamit pa rin natin,” aniya.

Dagdag pa ng Pangulo, mas magiging handa ang mga komunidad sa panahon ng tagtuyot at iba pang epekto ng climate change sa pagbubukas ng Tunnel No. 5, na magpapalakas sa dekada-nang ginagamit na Umiray–Angat–Ipo–La Mesa system—ang pangunahing daluyan ng tubig mula Angat Dam patungong Metro Manila at Mega Manila.

“It is not only important, it is essential,” diin ni Marcos, kaugnay sa pagtatayo ng Tunnel No. 5.

Batay sa ulat, kaya ng bagong raw water conveyance tunnel ang pagdaan ng mahigit 1.6 bilyong litro ng tubig kada araw, na magpapataas sa kapasidad ng sistema mula 6 bilyon tungo sa halos 8 bilyong litro ng tubig bawat araw.

Binanggit din ng Pangulo na 90 porsiyento ng tubig na ginagamit ng halos 20 milyong katao sa Metro Manila, Bulacan, at bahagi ng Cavite at Rizal ay dumadaan sa naturang sistema.

(CHRISTIAN DALE)

80

Related posts

Leave a Comment