(NI KEVIN COLLANTES)
PINAG-IINGAT ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko laban sa isang Facebook page na nagpapanggap na pagma-may-ari ng License Division ng Land Transportation Office (LTO).
Batay sa inilabas na advisory ng DOTr, nilinaw nito na peke at ‘scammer’ lamang ang naturang FB account na Land Transportation Office (LTO)-License Division.
“WARNING: This page, “Land Transportation Office License Division,” is not the official account of the Land Transportation Office (LTO). This page is a SCAMMER,” babala pa ng DOTr.
Sa naturang pekeng FB account, tinatawagan ang mga may-ari ng sasakyan na wala pang plaka na makipag-uganayan sa numerong 0949673137 upang mapagkalooban sila ng kaukulang plaka.
Binigyang-diin naman ng DOTr na ang LTO ay hindi nagsasagawa ng business transaction sa pamamagitan ng courier o SMS.
Hindi rin aniya tumatanggap ang LTO ng anumang bayad sa mga transaksiyon sa Smart Padala, kaya’t hindi dapat na magpaloko ang publiko sa mga naturang kawatan.
Pinaalalahanan pa ng DOTr ang publiko na magtungo na lamang sa tanggapan ng LTO kung mayroon silang transaksiyon doon.
“The LTO does not transact business by courier and/or through SMS. The agency also does not accept payment by SMART Padala. Please visit LTO offices for your transactions,” anang DOTr.
Humingi rin naman ng tulong sa publiko ang DOTr na isumbong ang naturang FB page at mga kahalintulad nitong account na naglalayong makapanloko lamang ng kanilang kapwa.
190