(CHRISTIAN DALE)
PINAYUHAN ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente sa gitna ng hamong kinakaharap ng bansa na may kinalaman sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni ERC Chairperson Devanadera na bagamat may ginagawang paraan ang gobyerno para mapababa ang binabayaran sa kuryente, hindi naman agad-agad ito mararamdaman.
Tinukoy ni Devanadera ang tinatawag na net-metering at retail aggregation.
At sa lahat ng aniya’y factors na nakakaapekto sa pagtaas sa presyo ng kuryente katulad ng giyera sa Ukraine at ibang foreign policies ng ibang bansa, sinabi ng ERC official na hindi dapat maging ‘Asiong Aksaya’.
“Well, sa ating mga kababayan, talagang mayroon tayong hinaharap na challenges sa ngayon, mga paghamon. Iyong pagtaas ng kuryente ay wala sa kontrol ng national government, ng ating bansa kasi may mga factors na nakakaapekto dito katulad ng giyera sa Ukraine at ibang foreign policies ng ibang bansa,” ayon kay Devanadera.
“So, mayroon naman tayong mga programs para sa ganoon ay mapababa natin ang pagbabayad ng ating mga kuryente, although hindi ito iyong kapag ginawa ngayon ay matatapos bukas, ang tinutukoy ko ay itong mga net-metering at retail aggregation. Pero ang ating magagawa sa ngayon ay talagang kailangan medyo magtipid tayo sa ating paggamit ng kuryente. Kung minsan kasi mga Asiong Aksaya tayo – walang tao sa isang kuwarto pero diri-diretso pa iyong aircon; walang tao pero buhay ang mga ilaw at saka ang mga electric fans. So, itong mga ganitong bagay ay let’s be very prudent in the use of our electricity,” dagdag na pahayag nito.
Kaugnay ng usapin sa enerhiya sa bansa, kahapon ay nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang opisyales ng Department of Energy.
