‘PUBLISHER’ SWAK SA EXTORTION

SWAK sa selda ng National Bureau of Investigation-Cagayan Valley Regional Office (NBI-CAVRO) ang isang lalaking nagpakilalang publisher at news anchor ng pahayagang “Target News ” na nakabase sa Tuguegarao City, matapos mangikil umano ng halagang P30,000 sa isang negosyante nabanggit na lungsod kamakailan.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor ang suspek na si Rommel Dela Cruz Mendi.

Ang suspek ay binitbit ng mga tauhan ng NBI matapos ilatag ang entrapment operation.

Nag-ugat ang pagdakip sa suspek base sa reklamo ng isang hardware owner na hindi na binanggit ang pangalan.

Salaysay ng may-ari ng hardware, binisita siya ng suspek sa kanyang tanggapan at humingi ng pera para sa subscription contract sa pahayagan nito na nagkakahalaga ng P40,000.

Nang hindi pumayag ang complainant dahil sa problema sa pinansyal sanhi ng COVID-19 pandemic at travel restriction, ay pinagbantaan umano ito ng suspek sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa messenger gamit ang account na “Rommel Dela Cruz Dimla”.

Sinabi umano ng suspek na ipasasara ang kanilang negosyo dahil sangkot ang kanilang kompanya sa ilegal na aktibidad at nagtatamasa ng proteksiyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ipinagmalaki pa umano ng suspek na kaya niyang atasan ang Regional Director ng DENR-Cagayan Valley para magsagawa ng imbestigasyon sa kanilang umano’y ilegal na aktibidad.

May kapangyarihan din umano siya na ipatanggal ang DENR personnel na kasabwat ng hardware owner.

May pagkakataon pa umano na may lalaking nagpakilalang personnel ng NBI ang nagpunta sa tanggapan ng biktima para mag-inspeksyon dahil sa mga tawag ng isang taga media na mayroon silang mga nakaimbak na ilegal na kahoy pero wala naman silang nakita.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nagreklamo ang biktima sa   NBI-CAVRO kaya plinano ang entrapment operation.

Noong Agosto 26, nakipagkita ang biktima sa suspek at nang tanggapin ng huli ang P30,000 halaga ay binitbit ito ng mga awtoridad.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong robbery extortion in relation to RA 10175, kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012. (RENE CRISOSTOMO)

102

Related posts

Leave a Comment