ARESTADO sa mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) noong Huwebes ang isang puganteng Amerikano na wanted sa kanyang bansa dahil sa paglabag sa ‘probation’.
Ang American national ay kinilalang si Richard Edward Vukelic, 57-anyos, nadakip sa Davao City sa pinagsanib na operasyon ng BI Fugitive Search Unit (FSU) at BI Mindanao Task Group (MITG).
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, agad siyang nag-isyu ng mission order para sa pag-aresto sa dayuhan makaraang mapag-alaman ang kinasasangkutang krimen ng suspek.
Nauna rito, nakatanggap ang BI kamakailan ng official communication mula sa US authorities na nagsasabing si Vukelic ay wanted sa US dahil sa paglabag sa kanyang ‘probation’.
Ang suspek ay nahaharap sa illegal discharge of firearms na paglabag sa US Penal Law sa State of Arizona.
Ayon kina BI MITG Head Melody Gonzales at BI FSU Chief Bobby Raquepo, si Vukelic ay pakay ng week-long surveillance operation ng BI, sa tulong ng National Bureau of Investigation Region 11.
“When we confirmed that it was indeed him, we immediately implemented his arrest,” ani Gonzales.
Si Vukelic ay pansamantalang nakakulong sa BI’s detention facility sa Davao City habang nakabinbin ang deportation order para sa suspek. (JOEL O. AMONGO)
354 