TULAK PATAY, 22 PA NALAMBAT SA CAVITE

CAVITE – Patay ang isang 38-anyos na hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nanlaban umano sa mga awtoridad, habang 22 iba pang drug suspect ang nadakip sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigang ito.

Kinilala ang napatay na si Erwin Armie Mojica, ng Brgy. Datu Ismael, Dasmariñas City.

Ayon sa ulat ni Pat. Veriee Gym Magno Tigbao ng General Mariano Alvarez (GMA) Police, dakong ala-1:45 noong Martes ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bus operation ang mga awtoridad sa Mayor’s Drive, Brgy. Olaes, GMA, Cavite kung saan target ang suspek.

Ngunit nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksiyon kaya nagpaputok ng baril.

Gumanti naman umano ng putok ang mga awtoridad na ikinamatay ng suspek.

Nakuha sa suspek ang 6 gramo ng umano’y shabu na P40,800 ang street value, .38 kalibreng baril at mga bala.

Samantala, umabot naman 22 drug suspect ang nabitag ng Cavite Police sa magdamagang buy-bust operation sa tatlong lungsod at limang bayan ng lalawigan.

Nanguna ang Imus City sa may pinakamaraming bilang ng arestadong mga suspek, 7; sumunod ang Carmona, 4; Kawit, 3; Tanza, 2, at tig-1 ang Cavite City, Gen. Trias City, Naic at GMA.

Isingawa ang buy-bust operation sa pagitan ng alas-9:00 ng gabi noong Lunes hanggang hanggang alas-2:20 nitong Martes ng madaling araw. (SIGFRED ADSUARA)

251

Related posts

Leave a Comment