GINUNITA ng pamahalaang bayan ng Pulilan, Bulacan sa pangunguna ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo ang ika-225 taon ng pagkakatatag ng nasabing bayan sa isang simpleng selebrasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic nitong Miyerkoles.
Ang nasabing selebrasyon ay mayroong temang ” Sama-samang Lakas Pulilenyo” na ginanap sa harapan ng munisipyo ay sinimulan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Mario Jose Ladra.
“Despite the ongoing health crisis caused by the pandemic, hindi po hadlang ito para hindi gunitain ang napaka-importanteng okasyong ito. Tuloy pa rin kahit sa simpleng paraan,” ayon kay Mayor Montejo.
Sinabi ng alkalde na mahigpit pa rin ipinatupad ang health protocols kung saan limitado lamang ang mga inanyayahang guest upang maiwasan ang banta o pagkalat ng COVID-19.
Nabatid na tanging municipal employees kabilang ang municipal council sa pangunguna ni Vice Mayor Ricardo Candido at mga barangay captain kasama ang mga panauhin na sina Engr. Adrian Sy-Alvarado, representante ni Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado; Bokal Mina Fermin, Bokal Allan Andan at Bokal Jhong Ople ng First District of Bulacan ang dumalo.
Naging highlight ng nasabing event ang pagkilala sa mga natatanging kawani ng munisipyo na tumagal ng 10-40 taon sa serbisyo. (ELOISA SILVERIO)
