PULIS ADIK NA, PUSHER PA TIMBOG

ISANG aktibong police officer ang nadakip sa isinagawang anti-narcotics operation sa Ocampo, Camarines Sur, ayon sa ulat ng PNP Police Regional Office 5 kahapon.

Sa ulat na ibinahagi ni Bicol PNP Public Information Office chief, P/Major Malou Calubaquib, kinilala ang suspek na si PCMS Romeo Penolio Jr., aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at nakatalaga sa Camarines Sur Police Provincial Office.

Sa isinumiteng ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office, matapos ang isinagawang intelligence at surveillance operation laban sa pulis ay ikinasa ang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA 5 at CSPPO.

Sa isinagawang entrapment operation kontra sa nasabing opisyal, nakabili ang umaktong poseur buyer sa suspek ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P30,000 na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Nag-ugat ang surveillance laban sa suspek matapos na inguso ito ng isang drug personality nauna nang nadakip ng mga awtoridad.

Napag-alaman din na sangkot pa sa extortion ang nasabing opisyal kapalit ng proteksyon para sa drug personalities upang hindi maaresto ang mga ito.

Bukod sa pagkolekta ng ilegal na droga para sa pansariling pagkonsumo, nire-recycle pa umano ni Penolio ang ipinagbabawal na gamot para itulak.

Dalawang sachet umano ng shabu na nagkakahalagang P68,000, ang nakumpiska mula sa suspek sa operasyon sa Barangay Hibago.

Nakumpiska rin ang service firearm ng suspek na Glock 17 9mm, mga bala, magazine at isang folded knife.

Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA sa Bicol ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)

178

Related posts

Leave a Comment