SUGATAN ang isang pulis nang pagbabarilin ng nag-iisang hitman sa Malabon City.
Isinugod sa Manila Central University (MCU) Hospital para lapatan ng lunas sa tama ng bala sa kanang siko si P/SMSgt. Samuel Peralta, 42, ng Brgy. Tugatog, Malabon City, nakatalaga sa Northern Police District.
Ayon sa ulat, pababa ng motorsiklo sa harap ng kanyang bahay dakong alas-6:20 ng gabi noong Miyerkoles ang biktima nang sumulpot ang gunman at niratrat si Peralta saka tumalilis sakay ng motorsiklo.
Apat na basyo ng bala, tatlong dispormadong punglo at isang metallic fragment ang narekober sa pinangyarihan ng pamamaril.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
Samantala, isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) ang hinoldap at inagawan ng baril ng dalawang riding in tandem sa Angono, Rizal.
Kinilala ang biktimang si P/Maj. Eli Christian Condrado, nakatalaga sa PDEG sa Camp Crame, Quezon City.
Batay sa report ng Angono Police, nangyari ang holdap sa Don Mariano Santos Avenue sakop ng Sitio Labahan, Barangay San Isidro bandang alas-7:00 noong Miyerkules ng gabi.
Pauwi na ang opisyal sakay ng kanyang motorsiklo ngunit pagsapit sa lugar ay napahinto ito dahil sa nagmaniobrang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang lalaki.
Ngunit mula sa likuran ay isa pang motorsiklo na may sakay ring dalawang lalaki ang dumating at kaagad bumaba ang backrider at tinutukan ng baril sa likod ang biktima.
Sa pamamagitan ng cutter, pinutol naman ng isa pang suspek ang sling ng body bag ng biktima na naglalaman ng kanyang 9mm service firearm, P7,000 cash, driver’s license, iba pang IDs at vaccine card.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa magkahiwalay na direksyon. (ALAIN AJERO/NILOU DEL CARMEN)
326

