PUM, PUIs SA BULACAN NAKAUWI NA

PINAUWI na ang may 67 na Person Under Monitoring (PUM) gayundin ang 10 Persons Under Investigation (PUI) matapos sumailalim sa 14-araw na quarantine procedure kung saan nagnegatibo ang mga ito sa coronavirus.

Iniulat ito ng Provincial Health Office (PHO) sa isinagawang pagpupulong ng Inter- Agency Committee for Response on COVID-19 na ipinatawag ni Gobernador Daniel Fernando.

Ayon kay Dra. Jocelyn Esguerra-Gomez, hepe ng PHO, sa labing-tatlong PUI na naitala sa Bulacan noong Enero 31, 2020, sampu rito ay cleared na, dalawa ang isinasailalim pa sa home quarantine at nasa isang isolation facility naman ang natitirang isa pa.

Mula naman sa walumpung PUM na naitala sa nasabi ring petsa, 67 ang cleared sa COVID-19 at pinauwi na sa kanilang mga tahanan. Habang may natitira pang 13 na PUM.

Base sa pamantayan ng Department of Health (DOH), matutukoy na PUI ang isang personalidad kung may lagnat na nasa 38 degree celsius, may ubo at sipon, may travel history sa mga bansang apektado ng COVID-19 sa nakalipas na 14 araw at nagkaroon ng exposure sa mga taong positibo rito.

Masasabi namang PUM kung ang isang personalidad bagama’t walang sintomas ng lagnat, ubo at sipon pero bumiyahe sa bansang apektado ng COVID-19 sa nakaraang 14 araw.

Pwede ring walang sintomas ng lagnat, ubo at sipon pero galing sa apektadong mga bansa.

Kaugnay nito, ang isang taga-lungsod ng San Jose Del Monte na kamakailan ay nagpositibo sa COVID-19 ay kasalukuyan nang naka-confine sa isang ospital sa North Caloocan at sinasabing nasa-stable condition na.

Dahil pa rin sa banta ng COVID-19, minabuti ni Gob. Fernando ang mungkahing pagkakaroon o pagpapatayo ng Centralized Home Quarantine Facility sa lalawigan ng Bulacan.

ipinag-utos ni Gob. Fernando sa mga kumakatawan ng Inter-Agency Committee for Response on COVID-19 na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang nasyonal at lokal, na pagtulung-tulungan ang paghahanda para makapagtayo agad ng isang Centralized Home Quarantine sa malaking espasyo ng Bulacan Sports Complex sa Malolos.

Ayon sa gobernador, layunin nito na lahat ng mga Bulakenyo na galing sa ibang bansa, maging ito man ay Overseas Filipino Worker (OFWs) o balikbayan, ay direktang ipasusundo ng Kapitolyo sa lalapagang paliparan at dadalin direkta sa itatalagang Centralized Home Quarantine.

Ipinaliwanag ng gobernador na mas epektibo ito sa halip na sa mismong bahay isagawa ang quarantine dahil walang katiyakan kung magkukulong sa kwarto ang dapat naka- quarantine o makikisalamuha sa mga kasambahay o kapamilya. ELOISA SILVERIO

126

Related posts

Leave a Comment