PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAPAKAHALAGA ng mga proyekto sa komunidad dahil ito ang patunay na may kabuluhan ang ibinabayad na buwis ng mamamayan. Hindi kaila na sa bawat proyekto ng halal na pinuno sa komunidad ay may kaakibat na negatibong reaksyon sa apektadong mga residente, higit kung ang proyekto ay may halong kabulastugan.
Sa Distrito 3 sa Quezon City na nasasakupan ni Congressman Franz Pumaren, tila may masangsang na amoy na pilit na lumalabas na kailangang mabigyan ng sapat na atensyon at katugunan mula sa Commission on Audit (COAC) at maging sa Office of the Ombudsman.
Kilala si Pumaren na magaling sa larangan ng basketball dahil sa pagiging playmaker at kahusayan sa fastbreak play. Ngunit, sa pagiging halal na lingkod bayan, tila hindi naaayon ang ‘fastbreak’ kung ang nakataya ay ang buwis na mula sa pinaghirapang trabaho ng mamamayan.
Isang nangangalang Juanito Navarro, Jr., na umano’y concerned citizen ng Distrito 3 ng Lungsod Quezon, ang nagsampa ng reklamo sa Commission on Audit (COA) at sa Office of the Ombudsman laban kay Congressman Pumaren.
Batay sa reklamo, inilagay ang mga poste para sa pagtatayo ng isang multi-purpose building sa Barangay Pansol. Gayunman, hindi ito natapos at kasalukuyang binabaklas ang nakatayong mga poste ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inaakusahan ni Navarro si Pumaren at ang mga contractor mula sa Aylan Construction & Trading at CG General Construction & Development Corporation ng paglabag sa sumusunod na mga batas: Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Revised Penal Code (Articles 220, 217, at 171), National Building Code of the Philippines, at Civil Code (Article 21723).
Bilang tugon sa mga paratang, naglabas ng pahayag si Pumaren noong Abril 10, 2025 sa isang Facebook post. Aniya, ang lahat ng pondong nakalaan para sa proyekto ay naibalik sa Bureau of the Treasury. Dito, nagpakita siya ng mga patunay upang suportahan ang kanyang pahayag.
Sa kanyang mga naunang pananalita, sinabi niya na ang proyektong ito ay nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni Congressman Allan Reyes. Ngunit, ayon sa mga dokumento, na-aprubahan ang kontrata noong Nobyembre 10, 2022— sa panahong si Pumaren na ang nakaupo sa puwesto.
Malinaw na pag-aaksaya ng pera ng bayan ang nangyari sa hindi natapos na mga proyekto ni Pumaren. Kulang sa tamang pagpaplano, komunikasyon, at maayos na pamamahala ng pondo ng distrito. Karamihan sa mga proyektong ito ay hindi tapos, inabandona, o walang pangangailangan.
Bukod sa reklamong isinampa, marami pang proyekto si Congressman Pumaren na hindi tapos at walang follow-up.
Ang mga ito ay ang mga sumusunod: Multi-purpose building with site development sa Barangay Ugong Norte na may halagang P39M; Multi-purpose building sa Belarmino High School na may halagang P24M. Idineklara itong tapos na, ngunit ito ay inabandona, na mayroon lamang isang kongkretong poste na nakatayo; at Multi-purpose building sa Brgy. White Plains na naideklarang tapos, ngunit kasalukuyan pa ring itinatayo, na may halagang P47M.
Ang mga proyektong hindi natapos at hindi napakinabangan ng mga tao ay pag-aksaya lang sa pondo ng gobyerno na nagmula sa ibinabayad na buwis ng mga Pilipino.
Hindi dapat binabalewala at kinakailangang mabigyan ng kaukulang parusa ang mga gumagawa nito.
