CLICKBAIT ni JO BARLIZO
WALANG tigil ang bulagaan ng mga alegasyon araw-araw. Tumitindi pa. Iba’t iba ang nahuhukay.
Sa bawat akusasyon ay may depensa ang pinagbibintangan. Pinasisinungalingan ang mga ipinupukol dahil wala raw basehan.
Ang taumbayan ay nasa harapan ng mga palabas na patuloy na tumitindi ang mga balangkas ng kwento.
Sala-salabat man ang mga kuwento, ito ay nakasentro sa pinakamalaking pagtatanghal – ang pamagat ay KORUPSYON, ang buod ng mga pira-pirasong teleserye.
Sino ang bida, ang kontrabida?
Hiling lang natin sa mga patuloy sa kanilang paratang, aba, panumpaan ninyo ‘yan at maglabas ng matibay na ebidensya. Wala kasing kwenta kung puro salita na pwedeng liparin lang ng hangin.
Anopaman, hindi nararapat na handugan ng ganitong mga panoorin ang mamamayan. Ibang palabas ang nararapat para sa publiko.
Sa usaping korupsyon nabaling ang atensyon. Dahil dito ay natatabunan na ang mahahalagang paksa at pakay para sa kabutihan ng publiko.
Naaagaw ng korupsyon ang espasyong magbibigay ng puwesto sa mga serbisyong panlipunan.
Dumarami ang walang trabaho. Nakalulunos ang mga kuwento ng mga may sakit na nahihirapang tustusan ang pagpapagamot. Umaaray ang karamihan sa bigat ng pasanin sa tumataas na presyo ng mga bilihin, pangangailangan at serbisyo.
Dahil sa korupsyon ay lumalala ang kahirapan. Ayon sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang bilang ng mga Pilipino na ang buhay ay lumala. Mula sa 23 percent noong Hunyo, ang porsiyento ng mga Pilipino na nagsabing sumama ang kanilang buhay ay sumirit sa 32 percent, ayon sa survey na isinagawa noong Setyembre 24 hanggang 30.
Maging ang mga nagsabi na ang kanilang buhay ay gumanda sa nakalipas na 12 buwan ay bumagsak mula 35 pababa sa 32 percent, habang ang bilang ng mga nagpahayag na pareho ang kalidad ng kanilang pamumuhay ay dumausdos din sa 38 bahagdan mula 42 percent.
Hindi marapat na maging saksi lang ang mga Pinoy sa mga kuwento ng korupsyon sa bansa. Kailangang masaksihan nang tunay ang totoong epekto nito sa taumbayan.
Kaya sa mga nag-iimbestiga, paki bilisan lang para magkaalaman kung tunay ngang sa dulo ay may maseseldang kurakot na politiko.
2
