NAGHAHANDA na ng sapat na puwersa ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sakaling ipatupad ang lockdown sa buong Metro Manila bunsod ng kumakalat na coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay AFP chief of Staff Gen. Felimon T. Santos, oras na ipag-utos ng Department of Health o ng itinatag na Interagency Task Force ang lockdown sa Metro Manila, may sapat na puwersa ang AFP-Joint Task Force NCR para ayudahan ang PNP sa implementasyon nito.
Una rito, inihayag ni PNP chief, P/General Archie Gamboa na may nakahanda na siyang 40,000 pulis na magmumula sa PNP-NCRPO at PNP Headquarters para ipatupad ang lockdown sa kalakhang Maynila dahil sa COVID-19 oras na ipag-utos na ng DOH.
“AFP will assist PNP if ever there will be one. We have forces in NCR and if needed we can have more,” ani Santos.
“We are preparing for the possibility that AFP facilities and personnel may be tapped to provide assistance in the whole of government approach in combatting COVID-19 that has raised alarms worldwide,” saad pa ng opisyal.
Pahayag naman ni Capt. Ennaira Bichara, tagapagsalita ng AFP-JT-NCR, sakaling ipatupad ang lockdown, lahat ng Operation Control, Operation Command, Reservist units sa ilalim ng JTF NCR ay idedeploy bilang suporta sa PNP.
Kaugnay nito, ipinag-utos nina Gen. Santos at P/Gen. Gamboa ang moratorium sa pagbiyahe ng mga sundalo at pulis sa labas ng bansa bunsod ng nasabing sakit maliban lamang kung kinakailangan.
Gayundin, ayon kay Police Major General Benigno B Durana, PNP Director for Police Community Relations, pinatigil muna ang lahat ng leave applications sa PNP. JESSE KABEL
IBIGAY SA DOH
Samantala, nais ni Senador Francis Tolentino na bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang Department of Health (DOH) sa panahon ng public health emergencies sa pamamagitan ng pagbibigay awtoridad sa ahensya na magdeklara ng lockdown sa mga naapektuhang lugar gayundin ang pagsusupinde ng mga klase.
Sa kanyang Senate Bill 1408 o ang proposed Health Emergency Lockdown Act, sinabi ni Tolentino na sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, napapanahon nang isulong ang pagbibigay ng kapangyarihan sa DOH para sa pagpapatupad ng lockdown.
Alinsunod sa panukala, ipatutupad ng DOH sa pamamagitan ng kanilang attached agency na Bureau of Quarantine ang lockdown sa mga infected area, magpapatupad ng suspensyon ng mga klase at ipag-uutos ang eksaminasyon sa mga posibleng nahawa upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. DANG SAMSON-GARCIA
