KUNG ang pagbabatayan ay ang pahayag ng Palasyo, hindi na marahil alintana ng pamahalaan ang probisyong karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.
Dangan naman kasi, desidido ang gobyernong pinamumunuan ni Rodrigo Duterte, na pwersahin ang mga mamamayan na magpaturok ng bakuna kontra COVID-19, kesehodang umabot sa sukdulan.
Ang totoo, hindi problema sa nakararaming Pilipino ang pagpapabakunang tanging proteksyon laban sa patuloy na banta ng pandemya. Ang tunay na dahilan sa patuloy na pagtanggi ng marami ay ang agam-agam na base sa bisa at kaligtasan ng gawang Tsinang COVID-19 vaccines na karaniwang gamit ng gobyerno sa malawakang pagtuturok.
Kamakailan lang, naglabas ng babala ang pamahalaan sa Local Government Units (LGUs) kung saan umano nakatengga lang ang mga bakuna, na para bang direktibang pwersahang iturok na ang mga nakaimbak na suplay bago pa man mag-expire.
Eh kanino nga ituturok? Isa lang ang malinaw – ayaw ng mga tao sa gawang Tsina, at hindi maiaalis sa kanila ang mamili lalo pa’t katawan nila ang tuturukan, bukod pa sa galing naman sa kanilang ibinabayad na buwis ang salaping ipinambili sa mga bakuna.
Ang siste, napakarami ng bakunang binili ng gobyerno mula sa Tsina habang ga-patak lang ang klase ng COVID-19 vaccines na tanggap ng masa.
Ang masaklap, tila mas marami pang gawang Tsina ang darating kalakip ng rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) para sa booster shots ng mamamayang tumanggap ng Sinovac COVID-19 vaccines.
Kaya naman ang solusyon ng pamahalaan – isang polisiyang pwersahan, lalo pa’t sa gawang Tsina sila may kumikitang kabuhayan.
Kung tutuusin, hindi nalalayo ang presyo ng ibang bakuna sa gawang Tsina, pero sadya yatang na-kompromiso na ang administrasyong sukdulan ang pagkiling sa mga dayuhang nasa kabilang panig ng karagatan.
Kasi nga, dun sila tiba-tiba!
