Q PASS IBABALIK, CHECKPOINTS DARAGDAGAN

MAGPAPAKALAT ng dagdag na puwersa ang Joint Task Force COVID Shield sa mga lugar na isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ito ay kasunod din ng anunsyo ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na maghihigpit at hahanapan na muli ng quarantine pass ang mga residente sa MECQ areas.

Ayon kay Sec. Año, natalakay na nila ito ng Metro Manila mayors at ipinauubaya na nila sa local government units (LGUs) kung paano ito ipatutupad.

Ani Año, asahan na muli ang mga quarantine checkpoint sa MECQ areas lalo sa mga borders.

Kamakalawa ng gabi, inanunsyo ni Pangulong Duterte na balik sa MECQ ang National Capital Region at mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal simula ngayong Martes, Agosto 4
hanggang 18.

Kaugnay nito, inatasan ni Philippine National Police (PNP) operation chief at Joint Task Force COVID Shield commander P\LtGen. Guillermo Eleazar ang lahat ng  police commanders sa Metro Manila at lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na maglagay ng mas maraming checkpoints lalo na sa mga hangganan ng mga siyudad at bayan ng mga lalawigan para matiyak na maipatutupad ang kautusan ni Pangulong Duterte.

Paalala ni P/LtGen Eleazar, tanging Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang papayagang makalabas. (JESSE KABEL)

119

Related posts

Leave a Comment